Diokno3 Si Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno sa press conference umaga ng Miyerkoles sa House of Representatives, kung saan kanyang tinalakay ang kanyang adbokasiya sa pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan at mga isyu ukol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Kuha ni VER NOVENO

Diokno: VP Sara walang ibang dapat sisihin sa impeachment kundi sarili niya

185 Views

WALA umanong dapat na sisihin si Vice President Sara Duterte sa kinakaharap nitong impeachment case kundi ang kanyang sarili dahil ayaw niyang direktang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, ayon kay Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno.

“Unang-una, dapat siguro maalala natin kung saan nagbunga ‘yung impeachment case. ‘Yan ay resulta ng pag-iimbestiga ng ating mga kongresista, mga committees ng House of Representatives,” sabi ni Diokno sa isang press conference nitong Miyerkoles.

Naghain ng impeachment case laban kay Duterte bunsod ng kuwestyunable umanong paggamit nito ng kanyang confidential funds na may kabuuang halagang P612.5 milyon na nasa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd). Kasama rito ang P125 milyon na ginastos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Ginawa ni Diokno ang pahayag matapos sabihin ni Duterte—sa pamamagitan ng kanyang bagong tagapagsalita na si Ruth Castelo—na “technically defective” ang kasong impeachment at sinabing magiging “very lucky” ang bansa kung ito’y haharangin ng Korte Suprema, dahil makakatipid umano ang gobyerno ng “millions and millions” of pesos.

“Maraming pagkakataon ang ibinigay kay Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang kanyang sarili pagdating sa mga issue ng budget ng OVP, etc., pero hindi niya… she did not take advantage of those opportunities, which left everybody hanging and everybody wondering ano ba talaga ang nangyari,” ayon kay Diokno.

Dagdag pa niya: “Kung sana nasagot na niya ‘yung mga lumalabas noon sa mga imbestigasyon ng Kongreso ay maaaring hindi na tayo umabot sa ganito. But because of that recalcitrance, the people deserve transparency. The people deserve accountability.”

Sa naunang press conference, binatikos ni Castelo ang proseso ng impeachment bilang pag-aaksaya ng pondo. Iginiit niya na mas mainam sanang ilaan ito sa mga programang panlipunan kaysa sa isang prosesong pinaniniwalaan ng kampo ni Duterte na hindi rin magtatagumpay.

Ngunit giit ni Diokno, ang tunay na halaga o kabayaran ng usapin ay ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng publiko kapag umiiwas sa lehitimong mga tanong ang matataas na opisyal ng gobyerno.

“Kailangan malaman natin ano ba talaga ‘yung nangyari at talaga bang nagkaroon ng mga impeachable offense si Vice President Duterte,” aniya.

“It’s about time that we respect the process in the Constitution for holding high government officials accountable,” diin ni Diokno.