Diokno1 Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno

Diokno ipinaalala kay Sen. Imee obligasyon ng PH sa Rome Statute

291 Views

Nagbabala si Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno laban sa resolusyong inihain ni Sen. Imee Marcos na naglalayong ipagbawal ang pagsuko sa sinumang Pilipino na nahaharap sa anumang international court, gaya ng International Criminal Court (ICC), nang walang warrant mula sa lokal na hukuman.

Ayon kay Diokno, isang kilalang human rights lawyer, nilalabag ng naturang panukala ang patuloy na obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng Rome Statute—ang kasunduang lumikha sa ICC—partikular sa mga krimeng ginawa habang miyembro pa ng ICC ang bansa.

“I haven’t seen that resolution, but just based on what you have told me: No. 1, kahit na tayo ay kumalas na sa [ICC], meron pa rin tayong mga obligasyon sa court sa ilalim ng Rome Statute for those crimes that were committed or covered by the jurisdiction of the ICC noong tayo ay miyembro,” ani Diokno sa isang pulong balitaan nitong Miyerkoles.

“Included doon ‘yung ating obligasyon na sumunod. We have a duty to respect and to follow the procedures of the ICC. Any law that we will pass or that will be in violation of the Rome Statute, for me, would not be consistent with our obligations in the ICC,” dagdag pa niya.

Ang panukalang Sen. Marcos ay sa gitna ng nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng kinakaharap nitong crimes against humanity bunsod ng mga extrajudicial killings ng kanyang war on drugs campaign.

Binigyang-diin ni Diokno na ang ICC ay nakabatay sa prinsipyo ng complementarity kung saan papasok lamang ito kung ang isang bansa ay hindi handa o hindi kayang litisin ng patas ang international crimes

“‘Yung isa pong bagay na sana madiinan natin ay ang ICC ay isang court of last resort kaya meron siyang principle of complementarity,” paliwanag niya. “Ibig sabihin nun, kung kaya naman litisin ng maayos at patas ang kaso sa isang bansa tulad ng Pilipinas, ay hindi na kailangan pang pumunta sa ICC.”

Ngunit ayon kay Diokno, nakita na ng ICC na hindi possible ang isang patas at makatarungang paglilitis kay Duterte sa ilalim ng kasalukuyang justice system ng Pilipinas.

“But based on the deliberation of the [ICC], they have come to the conclusion — and I fully agree with it — it will be so difficult to have a fair trial in the Philippines of a former president,” ani niya.

“A former president who still has a lot of influence, na maaring matakot ang mga testigo, maaring magdalawang-isip,” dagdag pa ni Diokno.

Tinukoy rin niya ang kakayanan ng dating pangulo na impluwensyahan ang hudikatura, dahil sa pagtatalaga nito ng maraming hukom habang siya ay nasa puwesto.

“A former president who also managed to appoint a lot of members of the judiciary, a former president who really waged a war on drugs that was a very violent war,” ani Diokno.

“Kaya para sa akin, we can be assured of a fair trial if it’s done in the ICC. The judges there cannot be coerced, intimidated, or otherwise influenced in their decisions. Pati ang mga testigo ay hindi rin matatakot na humarap at sabihin ‘yung kanilang kaalaman,” giit pa niya.

Pormal na kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2019, ngunit nananatili ang hurisdiksyon ng korte sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang Pilipinas, kabilang ang mga taon ng panunungkulan ni Duterte.