Calendar
Committee of the Whole ng Kamara inaprubahan resolusyon para maamyendahan ang Konstitusyon
INAPRUBAHAN ng Committee of the Whole ng Kamara de Representantes ngayong Miyerkoles ang resolusyon na naglalayong amyendahan ang restrictive economic provisions ng Konstitusyon.
Ang pag-apruba ng komite sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 ay ginawa matapos ang anim na araw na pagdinig kung saan nagsalita ang iba’t ibang resource persons at eksperto na kinabibilangan ng mga dating miyembro ng Gabinete, dating mambabatas, dating justices ng Korte Suprema, educator, ekonomista, mga propesyonal na nakabase sa abroad, at miyembro ng convention na gumawa ng 1987 Constitution.
Nagpalitan ng mga pananaw ang mga eksperto at resource persons sa deliberasyon ng Committee of the Whole House.
Naghain ng mosyon si Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, ang tumatayong floor leader ng komite, upang tapusin na ang deliberasyon hapon ng Miyerkoles.
Sumunod na inihain nitong mosyon ang pag-apruba sa RBH 7 na naglalaman ng panukalang amyenda.
Inaprubahan ni Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, ang presiding officer ng pagdinig, ang mosyon.
Sina Dalipe, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng Quezon, na siyang mga principal author ng RBH No. 7, ang nagpalitan sa pagiging presiding officer ng pagdinig na nagsimula noong Pebrero 26.
Sa pagsuspendi ng deliberasyon ng Committee of the Whole ay nagpasalamat si Dalipe sa mga nakiisa sa pagtalakay sa RBH 7.
“I am sure that your valuable insights will be very helpful to the members of the House,” ani Dalipe.
Inaprubahan din ng komite ang isusumite nitong report sa plenaryo ng Kamara.
Sa isang press conference bago ang pag-apruba sa RBH 7, sinabi ni Gonzales na isasalang sa ikalawang pagbasa ng plenaryo ang resolusyon sa Lunes.
“We will target second-reading approval of RBH No. 7 next Wednesday,” sabi nito.
Target ng Kamara naaprubahan ang RBH 7 sa ikatlong pagbasa bago ang Holy Week break ng Kongreso sa Marso 23.
“I don’t know about the Senate,” dagdag naman ni Gonzales.
Kasama sa mga resource person ngayong araw sina dating Sen. Gregorio Honasan, dating Finance secretary Margarito Teves, Department of Foreign Affairs Undersecretary Jesus Domingo, at Finance Undersecretary Rosemarie Edillon.
Ang laman ng RBH No. 7 ay katulad ng laman ng RBH 6 ng Senado. Akda ito nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. Loren Legarda at Sen. Juan Edgardo Angara.
Ang dalawang resolusyon ay kapwa may pamagat na “A Resolution of Both Houses of Congress proposing amendments to certain economic provisions of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, particularly on Articles Xll, XlV and XVl.”
Sa ilalim ng resolusyon ay isisingit ang phrase na “unless otherwise provided by law” upang mabigyan ang Kongreso ng kapangyarihan na baguhin ang limitasyon na ibinibigay sa mga dayuhang mamumuhunan sa public utility, sektor ng edukasyon at advertising.