Ortega Deputy Majority Leader Paolo Ortega

Confidential fund ni VP Sara ‘napunta sa bulsa’ — DML Ortega

229 Views

NAPUNTA diumano ang confidential funds ni Vice President Sara Duterte na umaabot ang kabuuang halaga sa P612.5 milyon sa bulsa ng ilang indibidwal.

Ito ang hinala ng mga miyembro ng House committee on good government and public accountability sa pagdinig noong Lunes, matapos ang masusing imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (P500 milyon) at sa Department of Education o DepEd (P112.5 milyon) noong 2022 at 2023 sa ilalim ng pamumuno ni Duterte bilang kalihim ng edukasyon.

Ang konklusyon ng komite, na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, ay sinummarize ni Vice Chairman Rep. Jefferson Khonghun ng Zambales at tatlo pang miyembro na sina Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega at Assistant Majority Leaders Mika Suansing ng Nueva Ecija at Pammy Zamora ng Taguig.

“Dalawang Pasko ang lumipas na nilustay niya at kasabwat niya ang pera ng bayan. Para siyang Santa Claus ng OVP at DepEd na namimigay ng pera na pinaghirapan ng taumbayan,” ayon kay Ortega.

“Pero hindi lang pinapamigay, mukhang binubulsa pa. In short, yumayaman si VP Sara at ang kaniyang mga kasamahan, habang marami pa ang kumakapit pa rin sa patalim. Itong konting patak ng pera mula sa supposedly charitable programs ay makakalunas sa paghihirap at lalong-lalo na sa karamihan pwede na rin sana itong pantulong kung hindi sana niya ibinulsa. This is a crime of the highest order,” saad pa ni Ortega.

“This is not only a culpable violation of the Constitution but a betrayal of the trust of the people that had been given to her,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Ortega, “Mahigit kalahating bilyong piso, ilang classroom na sana ang napagawa nito. Ilang libro at laptop sana ang nabili ng perang ito, ilang feeding programs na po Mr. Chair ang maaaring isinagawa. Hindi ito biro. Hindi biro ang kalahating bilyong piso. Malaking bagay sana kung nilaan ang perang ito sa lehitimong programa ng gobyerno.”

Bagaman hindi inirekomenda ng panel ang impeachment ng Bise Presidente, sinabi ni Chua at ng mga miyembro ng komite na ito ang ginamit na dahilan ng mga nagpetisyon ng impeachment na isinumite sa Kamara de Representantes.

Inilahad din ni Suansing ang mga iregularidad na nahukay ng komite sa paggamit ng P612.5 milyong pondo:

– Mga acknowledgment receipt (AR) na bogus at peke

– Mga liquidation reports na copy-based sa lahat ng quarters

– P53 milyon na ginastos sa diumano’y OVP “safe houses”

– Ang nakakamanghang pag-disburse ng pera sa 103 na tao sa loob lamang ng isang araw noong Disyembre 23

– Ang paggasta ng P125 milyon sa 11 araw

– Ang napakaswerteng si Kokoy Villamin na dalawang beses nakatanggap ng pera mula sa DepEd at OVP

– Ang mga AR na mukhang pareho ang ginamit na pen at ink kahit iba-ibang tao ang pumirma

– Mga taong magkapareho ang sulat

– Mga taong magkapareho ang pirma pero iba ang mga pangalan at mula sa iba-ibang siyudad na aniya: “It’s too much of a coincidence. Even the strokes of the pen are the same.”

Sinabi pa ni Suansing na may mga AR na ang petsa ay sa panahong hindi pa nailalabas ang pondo, gayundin nang ubos na ito.

“Ang paggasta ng confidential funds ng OVP ay cinertify ni VP Sara, under oath. All P500 million in confidential funds ng OVP. Ang sabi sa certification, ‘the expenditures are necessary and utilized for legal purposes.’ At anong pruweba na ginamit nila para dito? Ang mga pekeng acknowledgment receipts. Gawa-gawa lang para makapag-submit ng documents evidencing payment,” ayon kay Suansing.

“Of course, we cannot forget…kilalang kilala na po natin ang ating main character na si Ms. Mary Grace Piattos, who was recently confirmed to have no records at all with the PSA (Philippine Statistics Authority) — no birth certificate, no marriage certificate, no death certificate,” ayon pa sa kanya.

Tanong ng lady solon mula sa Nueva Ecija: “If Piattos did not exist, where did the money she supposedly received go?”

“Mahirap hanapin ang taong di naman totoo. Walang Mary Grace Piattos na tumanggap ng pera. So kung walang Mary Grace Piattos, nasaan ang pera?” ayon pa kay Suansing.

Sinabi ni Zamora na pareho ang mga iregularidad at pattern ng pagproseso at paggastos ng confidential and/or intelligence funds (CIF) sa OVP at sa DepEd sa ilalim ng pamamahala ni Bise Presidente Duterte.

“Similar to the OVP, the key individuals in the DepEd are those familiar with the Vice President even before she assumed office. I refer most specifically to Mr. Edward Fajarda and Atty. Sunshine Fajarda, who have been familiar with the Vice President since her time as the mayor of Davao City,” saad pa ni Zamora.

“Like Ms. Gina Acosta (of OVP), Mr. Fajarda is the SDO (special disbursing officer) entrusted to disburse confidential funds to the different recipients. That’s his job. Pero hindi po ‘yan ang ginagawa niya. He gives it all — P37.5 million each time — to the security officer of DepEd. At ayon sa kanya, wala siyang alam. Si VP Duterte lang ang nakakaalam nito,” giit pa nito.

Binanggit ni Zamora na sa isang pagdinig ng komite, itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakatanggap sila ng anumang halaga ng CIF mula sa OVP o DepEd, kahit na ginamit ang kanilang mga sertipikasyon ukol sa pagsasagawa ng leadership training para sa kabataan sa mga ulat ng liquidation ng CIF.

Ipinabatid din ni Chua sa kanyang panel na ipinaalam sa kanya ng AFP na nagsasagawa ito ng “internal investigation” ukol sa diumano’y pagtanggap ng milyon-milyong CIF mula sa OVP at DepEd ng isang colonel na namumuno sa OVP security group at isa pang colonel na security official ng DepEd.

Sinabi naman ni Khonghun na natuklasan ng good government committee ang maraming ebidensya ng diumano’y maling paggamit ng CIFs ng OVP at DepEd.

“Ang mga ebidensyang inilahad sa kasong ito ay malinaw at hindi maikakaila…Ang mga pondo na may layuning maglingkod sa pambansang seguridad at iba pang makatarungang layunin at hindi ginugol alinsunod sa mga itinakdang layunin ng batas. Sa halip, ito ay ginamit sa mga hindi awtorisadong gastusin at para sa sariling kapakinabangan,” ayon pa rito.

Sinabi ni Ortega na inakusahan ang komite ng pambabastos at paninira dahil sa kanilang imbestigasyon hinggil sa diumano’y maling paggamit ng CIFs ng OVP at DepEd.

“Habang tinalakay po natin ang usaping ito, marami ang nasaktan, marami ang nagsabing kami ay nanggigipit. Hindi po. Ginawa namin ang aming trabaho. Mahirap, oo, dahil this is about a very popular Vice President. But there is the greater duty of ensuring public accountability and transparency. So let the chips fall where they may,” ayon pa kay Ortega.