Salceda

Salceda: China mismong nagbawal sa mga mamamayan na pumunta sa PH

Mar Rodriguez Oct 20, 2022
215 Views

ANG pamahalaang China mismo ang nag-utos sa kanilang mamamayan na huwag magpunta o maglakbay sa Pilipinas sa pamamagitan ng ipinatupad nitong “No-tourist policy” kaya bumagsak ang bilang ng mga turistang Intsik na bumibisita sa bansa taliwas sa paniniwalang ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ang dahilan nito.

Ito ang binigyang diin ngayon ni Albay 2nd Dist. Joey Sarte Salceda, Chairperson ng House Way and Means Committee, na kaya kumonti at nabawasan ang bilang ng mga Chinese tourists na nagtutungo sa Pilipinas ay dahil narin sa “No-tourist policy” na ipinatupad ng kanilang gobyerno sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa isinagawang consultation ng labor and employment sa Kongreso, sinabi pa ni Salceda na makikita sa mga inilabas na datos ng Department of Tourism (DOT) na bumagsak ang bilang ng mga Chinese tourist arrivals sa Pilipinas bunsod ng pandemiya dahil sa China mismo nagmula at lumaganap ang COVID-19.

Ipinaliwanag pa ni Salceda na noong 2019 at 2020, bumagsak ang bilang ng mga turistang Chinese na nagpupunta sa Pilipinas ng 90.2%. Kapareho sa 88.4% mula naman sa iba’t-ibang panig ng mundo na naapektuhan din ng pandemiya ang kanilang Chinese tourist arrivals.

Sinabi din ng mambabatas na ang bilang na naitala ng Pilipinas (90.2%) ay katulad din sa Cambodia at United Arab Emirates (UAE). Kung saan, mayroon din POGO sa nasabing mga bansa.

Dahil dito, iginiit ni Salceda na hindi ang POGO ang naging dahilan kung bakit humina at bumaba ang bilang ng mga turistang Intsik na bumibita sa bansa sapagkat ang gobyerno ng China mismo ang nagbabawal sa kanilang mamamayan na lumabas ng kanilang bansa dahil sa COVID-19 pandemic kaya ipinatupad ang “no-tourist policy”.

“Kitang-kita naman dito na wala naman diperensiya kung may POGO o wala kang POGO. Wala naman talagang turistang Chinese ang pinalalabas ng kanilang bansa dahil sa COVID-19 pandemic,” sabi pa ng kongresista ng Albay.