Tulfo1

Cong. Tulfo: PhilHealth dapat sagutin rin professional fees ng mga doktor

13 Views

Isang panukalang batas ang isusulong ni senatorial candidate Erwin Tulfo para sagutin na rin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang professional fees ng mga doktor.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni ACT-CIS Representative Erwin Tulfo na ang professional fees ang isa sa mga laging problema ng mga pasyente kapag lalabas na ng ospital.

Aniya, “ang PhilHealth kasi, ang sasagutin lang ay yung mga gamot at room charge ng pasyente.”

“Iyong ayuda naman na nakukuha ng mga mahihirap nating kababayan mula sa medical assistance sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) o kaya sa Department of Health (DOH) ay pambayad lang din sa mga bayarin sa pagpapagamot sa ospital at mga gamot na hindi sagot ng PhilHealth,” dagdag ni Cong. Tulfo.

Pagdidiin ng mambabatas, “kaya hindi rin mailalabas yung pasyente sa mismong araw dahil walang pambayad sa professional fees ng mga doktor o espesyalista.”

Ayon kay Tulfo, “dapat isama na rin talaga ang professional fees ng mga doktor sa PhilHealth.

Tanong niya, “Ano pa ang saysay ng salary deductions sa mga sweldo ng tao at ang pondo na binibigay ng Kongreso taon-taon?”

Plano ni Tulfo na ihain ang nasabing panukalang batas na magbibigay-daan na sagutin na ng PhilHealth ang professional fees ng mga doktor pagbalik ng sesyon sa Kongreso sa Hunyo 2.