Calendar
CONGEN SALES, NAKIISA SA PAGDIRIWANG NG ARAW NG KALAYAAN AT PAGPUPUGAY KAY RIZAL NG HOUSTON KUYANGS


HOUSTON, Texas — Nakiisa si Consul General Gunther Sales sa Houston Kuyangs sa Filipino Heritage Fellowship at pagdiriwang ng ika-128 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na idinaos kamakailan sa Arabia Shriners sa lungsod na ito.
Sentro sa naging aktibidad ang pagbibigay-pugay sa Pambansang Bayani sa ilalim ng temang “Isang Bayani, isang Pilipino, isang Freemason.”
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Consul General Sales na si Dr. Jose Rizal ay hindi lamang isang dakilang makabayan, kundi isang masigasig na Freemason.
Ayon sa kanya, ang mga mithiin ng kapatiran, gaya ng kalayaan, pagkakapantay-pantay, at pagkakapatiran, ang humubog sa pananaw ni Rizal para sa isang malaya at marangal na Pilipinas.
Idinagdag pa ng mga diplomat na ang mga prinsipyo ring ito ang nagsilbing gabay sa iba pang mga bayani ng bansa tulad nina Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, at Marcelo H. del Pilar.
Binigyang-pugay din ni Sales ang mahalagang papel ng Masonry bilang matatag na tulay ng mga kultura at tagapangalaga ng pamanang Pilipino, na patuloy na nagpapatibay sa ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa pagtatapos, ipinaabot ng Consul General ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga kapatiran ng mga kalahok na lodge sa mainit na pagtanggap na ipinamalas ng mga ito sa delegasyon ng Philippine Consulate General.

