Gatchalian1 Source: PNP

Cyberattack sa Senate website di isolated incident — Gatchalian

61 Views

KINONDENA ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang cyberattack sa Senate website at nanawagan ng koordinadong imbestigasyon ng pamahalaan, kasabay ng pahayag na hindi dapat ituring na hiwalay na insidente ang pag-atake.

Hinimok ni Gatchalian ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center na agad tukuyin ang nasa likod ng pag-atake at magsampa ng kaukulang kaso.

“This cannot be treated as an isolated incident. Ang pag-atake sa aming mga sistema, gaya ng iba pang banta na kinakaharap natin ngayon, ay krimen. At lahat ng kriminal ay dapat managot sa batas,” sinabi ni Gatchalian.

Kinumpirma ng Senado na limitado lamang sa website defacement ang pag-atake at walang legislative files, databases o sensitibong records na nakompromiso.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na seryosong paglabag pa rin ito sa integridad ng institusyon.

Naganap ang insidente habang nananatiling nasa heightened security alert ang Senado kasunod ng seryosong banta na ipinaabot ng NBI sa mga senador. Nauna nang pinayagan ng Senado ang work-from-home arrangements para sa mga empleyado noong June 10 at 11 upang bigyang-daan ang inspections at iba pang precautionary measures.

Sinabi ni Gatchalian na bahagi ang cyberattack ng serye ng mga banta sa seguridad at kalayaan ng Senado.

“Hindi kami susuko sa intimidasyon. Hindi kami hihinto sa aming trabaho para sa bawat Pilipino. Ang mga nagtatangkang sirain ang demokrasya sa pamamagitan ng karahasan ay haharapin ang buong kapangyarihan ng batas, at ang buong lakas ng isang institusyon na nakatayo para sa katotohanan, katarungan, at kalayaan ng ating bansa,” sinabi niya.

Inaasahang makikipag-ugnayan ang Senado sa law enforcement at cybersecurity agencies habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa website defacement.