Rape

Construction worker nakorner dahil ‘child molester’

Edd Reyes Jul 26, 2025
300 Views

SA loob na ng bilangguan isinilbi ng pulisya ang warrant of arrest laban sa 29-anyos na construction worker na ilang ulit na pinagsamantalahan ang menor de edad na kanyang biktima sa Caloocan City.

Hindi binanggit sa ulat na nakarating kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio kung ano pa ang ibang kasong kinasangkutan ng wanted na kriminal, na natuklasang nakapiit na sa Caloocan City Jail habang isinasagawa ang puspusang pagtugis laban sa kanya.

Alas-3 ng hapon nang isilbi ng mga tauhan ng NPD-District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) Tracker Team sa akusado ang inilabas na warrant of arrest ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Teresa De Guzman-Alvarez ng Branch 131 para sa mga kasong tatlong bilang na sexual assault at dalawang bilang na qualified rape in relation to Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon sa pulisya, may inilaang kabuuang P600,000 na piyansa ang hukuman sa tatlong bilang na sexual assault para sa pansamantalang paglaya ng akusado, habang wala namang inilaang piyansa sa kaso niyang qualified rape.

Nakatakda ng ibalik muli ng pulisya sa hukuman ang arrest warrant at ipababatid na rin sa hukom na nakapiit na sa Caloocan City Jail ang akusado, kung saan nila isinilbi ang warrant.