Laguna

Convenience store sa Ecija hinoldap, 6 na suspek tiklo sa Laguna

Steve A. Gosuico Nov 12, 2026
307 Views

GAPAN CITY, Nueva Ecija – Naaresto ng mga pulis sa lalawigang ito sa Alaminos, Laguna ang anim na suspek sa panghoholdap sa convenience store sa Nueva Ecija noong Martes.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 chief Brig.Gen. Jess B. Mendez, ang anim na suspect ay nahuli sa Brgy. San Andres, Alaminos, Laguna alas-3:00 ng madaling araw noong Miyerkules o halos limang oras matapos looban ang AlfaMart branch sa Brgy. Pambuan.

Pinagbantaan ang dalawang babaeng kahera at nagdeklara ng hold-up bago kinuha ang P43,000, apat na mobile phone at hindi pa matukoy na halaga ng pondo ng GCash.

Ang mga suspek, na tumakas sakay ng puting Toyota Hi-Ace van, ay nahuli sa pamamagitan ng patuloy na imbestigasyon, pangangalap ng impormasyon at koordinasyon sa pagitan ng mga yunit na isinagawa sa ilalim ng Oplan Kuyog System na pinamunuan ni Gapan City police head Lt. Col. Wilmar Binag.

Narekober sa operasyon ang apat na granada, isang caliber .45 pistol na may walong bala, laruang caliber .45, isang 9mm pistol at hindi matukoy na dami ng mga perang papel at barya, Toyota Hi-ace van (NLJ 9465), pitong cellular phone, iba’t-ibang SIM at prepaid cards, peluka at plaka ng sasakyan (AIA 2366).

Ang mga suspek at mga narekober na gamit ay nasa kustodiya na ngayon ng Gapan CPS para sa wastong dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Mga kasong pagnanakaw, paglabag sa RA 10591 at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives ay isinampa laban sa mga suspek sa tanggapan ng piskal ng lungsod dito.

Sinabi ni Brig.Gen. Mendez na bineberipika rin ng mga imbestigador ang posibleng pagkakasangkot ng mga suspek sa iba pang naiulat na pagnanakaw na kinasasangkutan ng mga sangay ng parehong convenience store chain.

“Hindi makakatakas ang mga kriminal sa pananagutan sa pamamagitan lamang ng pagtawid sa mga hangganan ng probinsya o rehiyon,” sabi ni Mendez.