SMX

Convention ng Saksi ni Jehova sa SMX itinakda

Jun I Legaspi May 30, 2025
35 Views

DAHIL sa pag-aalala ng marami sa komunidad tungkol sa pananampalataya at espirituwalidad, iniimbitahan ng mga Saksi ni Jehova ang lahat sa kanilang taunang pandaigdigang serye ng convention na may temang “Dalisay na Pagsamba.”

Taun-taon nagkakaroon ang mga miyembro ng Saksi ni Jehova ng libreng tatlong-araw na programa na bukas sa lahat ng tao.

Muli silang babalik sa SMX Convention Center sa Pasay City at sa Metro Manila Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Quezon City para sa isang convention na tatalakay sa kahulugan ng taos-pusong paggalang at pagsamba.

Isa ang mga Saksi ni Jehova sa pinakamalalaking non-profit na organisasyon na nagsasaayos ng mga kombensiyon sa buong mundo.

Muli nilang mapapasigla ang lokal na ekonomiya habang mahigit 75,000 katao ang inaasahang dadalo sa loob ng 16 na dulong sanlinggo simula noong May 23–25.

“Inaasahan naming muling makasama ang publiko at maipakita ang kapana-panabik na programang ito sa lahat ng dadalo,” sabi ni James Morales, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova.

Ang kumbensiyong “Dalisay na Pagsamba!” magtatampok ng mga video batay sa Bibliya, mga pahayag at panayam sa mga paksang gaya ng: Tularan ang Sagot ni Jesus sa Manunukso!, Ano ang Nakikita ni Jesus sa Iyo?, Alam Mo Ba Kung Bakit Ka Naniniwala sa Pinaniniwalaan Mo? at Ang tampok sa Sabado ay ang bautismo.

Marami rin ang nag-aabang sa Episode 2 ng “Ang Mabuting Balita Ayon kay Jesus.” Ang serye ng mga video na ito na may 18 episodes ng masusing pagtalakay sa buhay at ministeryo ni Jesukristo batay sa mga ulat sa Ebanghelyo.

Ang Episode 1 ipinalabas bilang espesyal na tampok sa serye ng kombensiyon noong nakaraang taon.

Ang Episode 2 ipapalabas sa dalawang bahagi sa Biyernes at Sabado.

Halos 11 milyong katao ang dumalo sa mahigit 6,000 tatlong-araw na kombensiyon na inorganisa ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo noong 2024.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa libreng kumbensyong ito at upang makahanap ng lokasyon na malapit sa iyo, bumisita sa jw.org/tl.