Cabral1 Dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral File photo ng Senate

CP, gadgets ni Cabral mahalaga sa imbestigasyon ng kanyang pagkamatay

462 Views

INATASAN ng Office of the Ombudsman nitong Biyernes ang mga awtoridad na pag-ingatan ang mobile phone ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, matapos ang umano’y pagkahulog nito sa bangin sa Benguet.

Binigyang-diin ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na kailangang-kailangan nila ang telepono ni Cabral.

“The Ombudsman’s office directs the authorities in Benguet to take custody of and preserve the cellphone and other gadgets of former Usec. Cathy Cabral,” aniya.

Inatasan ng Office of the Ombudsman ang mga awtoridad sa Benguet na agad kunin ang cellphone at iba pang electronic device ng yumaong opisyal ng DPWH.

Sa isang statement nitong Biyernes, sinabi ni Clavano na ang mga imbestigador “need her phone at all costs.”

Si Cabral, na nasangkot sa mga iregularidad sa flood control, ay namatay matapos umanong mahulog sa bangin malapit sa Bued River sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba noong Huwebes ng gabi.

Nanawagan din ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng agaran at masusing imbestigasyon sa pagkamatay ni Cabral, dahil isa siya sa “central figures” sa nagpapatuloy na pagsisiyasat kaugnay ng flood control scam.

Bukod sa kanyang mga gadget, hiniling din ng ICI sa law enforcement agencies na tiyaking ma-secure at ma-preserve ang mga dokumento at computer ni Cabral para sa posibleng digital forensics examination.

Pakikiramay ng Palasyo, DPWH

Nagpahayag ng pakikiramay ang Malacañang nitong Biyernes sa pamilya ni Cabral.

“Nakikiramay po tayo sa pamilya na naiwan ni former Usec. Catalina Cabral. Nakakalungkot po ang nangyari,” sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

Sinabi ni Castro na walang direktiba mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Cabral, at binigyang-diin na iginagalang ng Pangulo ang privacy ng pamilya na nagluluksa sa biglaang pagpanaw nito.

Nilinaw din ni Castro na si Cabral ay walang kinakaharap na kasong kriminal sa oras ng kanyang pagkamatay.

“Iginagalang po muna natin ang pribadong buhay at ang pamilya ni Usec. Cabral. Sa ngayon, wala pong ipinag-uutos ang Pangulo at muli, wala pong kaso,” ani Castro.

Dagdag pa ni Castro, hahayaan ng Malacañang ang mga awtoridad na humawak ng anumang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ni Cabral.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang DPWH sa pamilya ni Cabral.

“Undersecretary Cabral served the Department for more than 40 years, and her loss will be mourned throughout the organization,” sinabi ng DPWH sa isang statement nitong Biyernes. “We recognize the profound loss the family is facing and offer our sincerest prayers.”

Nanawagan ang DPWH sa publiko na igalang ang privacy ng pamilya matapos ang biglaang pagpanaw ni Cabral.

“We thank you for your compassion and understanding,” dagdag ng ahensiya. Philippine News Agency