CAAP

Heightened alert sa mga airports ipinatupad ng CAAP

Jun I Legaspi Dec 19, 2025
226 Views

IPINATUPAD ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang heightened alert status sa lahat ng airports bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kalihim ng Transportasyon Giovanni Lopez na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at maayos na operasyon ng mga paliparan.

Magkakaroon ng Malasakit Help Desks sa lahat ng paliparan upang tumulong sa mga biyahero.

Nakaalerto ang mga tauhan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan, habang nakahanda ang mga medical team para mag responde sa oras ng pangangailangan.

Nakikipag-ugnayan din ang CAAP sa PNP-Aviation Security Unit (AVSEU), Office of Transportation Security (OTS), Department of Tourism (DOT), Civil Aeronautics Board (CAB) at mga airlines upang matiyak ang mabilis na proseso ng mga pasahero.

Tinatayang aabot sa 960,000 pasahero ang lilipad ngayong taon, mas mataas ng 7 porsyento kumpara sa 895,000 na pasahero noong 2024.

Hinimok ng CAAP ang publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga safety protocol ng paliparan at makipagtulungan sa mga security personnel upang matiyak ang ligtas, maayos at episyenteng biyahe.