Guzman Kalmado si Creamline setter Jia de Guzman na may 24 excellent sets. PVL photo

Creamline lusot sa Choco Mucho

Theodore Jurado Nov 18, 2022
487 Views

NAUNGUSAN ng early semifinalist Creamline ang Choco Mucho, 15-25, 25-20, 25-20, 28-26, upang tuldukan ang kanilang kampanya sa preliminary round ng maganda sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kagabi sa harapan ng 19,117 kataong dumagsa sa Mall of Asia Arena.

Pinilit ng Flying Titans na maihatid ang laro sa fifth set, ngunit may ibang plano ang Cool Smashers, nang maisara ni Jema Galanza ang laro sa pamamagitan ng service ace.

Kumislap si Tots Carlos para sa Creamline na may 25 points, kabilang ang anim na blocks, 18 receptions at 16 digs habang nagbigay si Ced Domingo ng 15 points, kabilang ang tatlong service aces.

Nagbato naman si Jia de Guzman ng 24 excellent sets para sa Cool Smashers, na nakuha ang ikapitong panalo sa walong laro.

Nasayang naman ang kinanang pitong service aces si Choco Mucho hitter Des Cheng, na siyang pinakamarami magmula nang magpakawala ng walo si Alyssa Valdez sa 25-14, 27-25, 26-24 panalo ng Creamline kontra sa Tacloban noong May 27, 2018.

Bumagsak ang Flying Titans sa 3-4, na siyang dumagok sa kanilang kampanya na makakuha ng isa sa nalalabing dalawang silya sa semis.

Bukod sa Choco Mucho, naghahabol ang PetroGazz, Choco Mucho, F2 Logistics and Cignal sa semifinals.

Bumira si Kat Tolentino na may 24 points habang nag-ambag si Cheng ng 17 points, kabilang ang tatlong blocks para sa Flying Titans.

Sa unang laro, sinibak ng Chery Tiggo, na nangangailangan ng malaking confidence-booster tungo sa semifinals, ang PLDT, 25-20, 18-25, 22-25, 25-16, 18-16.

Solido si Jelena Cvijovic na may 20 points at 21 receptions, nagdagdag si Mylene Paat ng 23 points at 11 digs, at tumipa si Cza Carandang ng 10 points para sa Crossovers, na may 6-2 record.

“Yung trust naman sa mga players namin, nandoon lagi. Tine-train naman namin iyon sa ganoong sitwasyon,” sabi ni Chery Tiggo coach Aying Esteban. “Ang sinasabi lang naman lagi namin is walang pressure. Basta maglaro lang sila ng maglaro doon sa loob, i-enjoy lang nila kung ano ang dapat nilang gawin para yung pressure mawala sa katawan nila at gumalaw sila ng maayos.”