Calendar
‘Crime scene reconstruction’ ng pagkamatay ng 2 Ateneo atleta sinimulan ng CIDG
SINIMULAN ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) madaling-araw ng Lunes ang pagsasagawa ng Crime Scene Reconstruction sa karagatan ng Dipaculao, Aurora bilang bahagi ng patuloy nitong imbestigasyon sa pagkalunod ng dalawang miyembro ng senior basketball team ng Ateneo de Manila University noong Hunyo 8.
Ayon kay Robert Alexander A. Morico II, nakibahagi sa operasyon ang mga imbestigador ng CIDG kasama ang mga tauhan mula sa PNP Forensic Group, Aurora Police, Police Regional Office 3, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office. Nagsimula ang Crime Scene Reconstruction sa Barangay Libis, Dipaculao alas-4:30 ng madaling-araw.
Sinabi ng opisyal na layunin ng aktibidad na matukoy ang kalagayan ng tubig-dagat sa lugar at ang distansya ng tuyong bahagi ng dalampasigan mula sa linya ng tubig, bagay na mahalaga upang masuri ang umiiral na high tide noong naganap ang insidente.
Layunin din nitong tukuyin ang eksaktong lokasyon ng mga biktima sa oras ng insidente at ang lugar kung saan huling nakita sina Rene Baterbonia at Divine Adili, batay sa mga nakuhang CCTV footage at mga salaysay ng mga manlalaro, coach, at iba pang saksi sa mga isinagawang panayam at imbestigasyon sa pambansang punong himpilan ng CIDG sa Camp Crame.
Gumagamit ang mga imbestigador ng sonar at 3D scanners upang masukat ang layo mula sa pampang at lalim ng tubig. Sinusuri rin ng grupo ang pagkakaroon ng mga babalang palatandaan at iba pang hakbang pangkaligtasan sa lugar bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon.
Noong nakaraang linggo, nagtungo sa himpilan ng PNP-CIDG ang nagbitiw na coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin matapos siyang himukin ni Maj. Gen. Morico na humarap sa imbestigasyon upang makatulong sa paghahanap ng hustisya para sa dalawang manlalarong nalunod habang nagsasagawa ng training exercises sa Dipaculao.
Sinabi ni Maj. Gen. Morico na inaasahan nilang makapanayam ang hindi bababa sa 48 katao, kabilang ang mga manlalaro, miyembro ng coaching staff, at mga opisyal ng Ateneo de Manila University kaugnay ng kanilang patuloy na imbestigasyon sa pagkamatay nina Baterbonia at Adili.
Bagama’t mahigit isang dosena na sa mga pinadalhan ng subpoena ng PNP-CIDG ang nakapagbigay na ng kanilang pahayag sa himpilan nito, sinabi ni Morico na kanilang iginagalang ang pribasiya ng mga pribadong indibidwal na sangkot sa kaso.
Dagdag pa niya, ang mga pahayag ng dalawa pang manlalaro ay nagpapatibay sa nauna nilang natuklasan na ang isinagawang team exercises ay naganap humigit-kumulang 300 metro ang layo mula sa resort.
“Karamihan sa kanila ay nasa tubig, hindi mismo sa harap ng resort, kundi mga 700 metro ang layo. Alam nila na malakas ang agos bago pa sila bumiyahe papuntang Aurora. Naipaalam sa kanila ang sitwasyon doon, partikular ang malalakas na alon at mataas na tubig,” ani Morico.
Sinabi rin ng opisyal na patuloy nilang hinihikayat ang mga kinatawan ng Smart Foundation at ng Ateneo de Manila University na humarap at magbigay ng pormal na pahayag kaugnay ng insidente.

