Cristy1

Cristy hinamon si Dominic sa bintang: ‘Wala akong binanggit na pangalan’

Eugene Asis Feb 21, 2024
199 Views

DominicSA kanyang programa sa radyo ngayong araw (Pebrero 21, 2024) mariing pinabulaanan ng beteranong showbiz columnist at host na si Cristy Fermin ang mga alegasyon ng kampo ng aktor na si Dominic Roque.

Kahapon, nagsalita na ang aktor tungkol sa ilang mga sinabi ng beteranang manunulat na ayon sa kanyang statement ay “malicious and defamatory” bukod pa sa ang mga ito ay “baseless.”

Ang naturang statement ay idinaan ni Dominic sa legal team ng Fernandez and Singson Law Offices.

“These defamatory statements were made by Ms. Fermin under the guise of entertainment news without any effort from her to confirm the same from Mr. Dominic Roque,” ayon sa statement na galing sa mga abogado.

Sa programa ni Cristy na ‘Cristy Ferminute,’ nilinaw niyang hindi demanda ang naturang sulat kundi isang paghingi lang ng pagpapaliwanag.

Nauna nang sinabi ng kampo ng 33-year-old actor na si Dominic na ang pag-uugnay dito sa Dapitan City Mayor na si Bullet Jalosjos ay isang malaking pagkakamali.

“In fact, the malicious and baseless innuendos were quickly picked up by social media netizens, several of whom even uploaded a photo of Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos, without his knowledge and consent. There is absolutely no truth to these malicious innuendos,” sabi pa ng statement, na tumutukoy sa diumano’y alegasyon ni Cristy na ang mayor ay “benefactor” ni Dominic. Diumano, hiyang-hiya ang aktor dahil ayon sa statement, si Mayor Bullet ay matagal nang kaibigan nito at totoong may-ari ng condo unit na dating tinirhan ni Dominic. Magkasama rin sila sa isang motorcycle club, gayundin ang isa pang iniuugnay na si dating kongresista Bong Suntay na may-ari naman ng Clean Fuel gasoline stations.

Nag-ugat ang lahat ng ito dahil sa paghihiwalay ng aktor at tatlong taong girlfriend at fiancee na si Bea Alonzo.

Depensa ni Cristy, kahit kailan ay wala siyang binanggit na pangalan ni Mayor Bullet Jalosjos. Nabanggit naman daw niya ang pangalan ni Bong Suntay dahil nga ito ang may-ari ng Clean Fuel kung saan endorser si Dominic.

Idiniin pa ni Cristy na wala rin siyang binanggit na si Bong ay may kaugnayang personal o romantiko sa aktor.

Ayon pa kay Cristy, maaring may ilang iresponsableng vloggers ang pumik-ap sa mga sinasabi niya sa kanyang sariling vlog at radio program, at pagkatapos ay diretso nang nilagyan ng label.

Sinabi ni Cristy na maraming ibang vloggers ang gumagamit pa ng kanyang larawan sa mga Youtube thumbnail ng mga ito, na tila pinalalabas na sa kanyang nagmula ang lahat ng kanilang ibinabalita kahit wala naman siyang (Cristy) permiso o kaalam-alam.

Ang hamon ni Cristy: “Maglabas kayo ng resibo na binanggit ko ang pangalan ni Mayor Bullet at iniugnay ko sa pangalan ni Dominic, gayundin si dating congressman Bong Suntay. At alalahanin ninyo, hindi sa akin nagsimula ang lahat ng ito.”

Sa ngayon, may mga nagsabing makararating ito sa korte pero, wala pang aksyon ang alin mang kampo hinggil dito.