PBA press corps

Cruz nag-bida sa San Miguel

Robert Andaya Jul 14, 2022
252 Views

IBA ang may pinag-samahan para kay Jericho Cruz at San Miguel Beer sa PBA.

Sinuklian ni Cruz ang pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng San Miguel sa kanyang mahusay na paglalaro upang tulungan ang Beermen na makamit ang league-leading 8-1 record sa kasalukuyang PBA Philippine Cup.

Dahil dito, nahirang si Cruz bilang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa period na July 6-10.

Bagamat nasa ika-dalawang conference pa lamang kasama ng Beermen, ang 31-taong-gulang na si Cruz ay kaagad nakipagsabayan sa mga bigating San Miguel players na sina June Mar Fajardo at. CJ Perez.

Nagpakitang gilas si Cruz sa kanyang back-to-back career-best outings na kung saan nagtala siya ng 27.5 points sa impresibong 57-percent shooting para sa dalawang dikit na panalo ng Beermen laban sa TNT Tropang Giga at Blackwater.

Si Cruz ay may 3.5 rebounds at 3.5 assists average din sa naturang dalawang panalo.

“I just tried to open up myself kapag dino-double team nila si June Mar. Thankful ako dahil yung tiwala ng mga coaches sa akin malaki. Siyempre kung wala silang tiwala, wala rin tayo sa loob,” pahayag ni Cruz.

Ang magandang paglalaro ng 6-1 guard mula Adamson at Rizal Technological University ay nakatulong ng husto para sa Beermen, na pagtuloy na lumalaban sa wala ang mga premyadong players na sina Terrence Romeo, Chris Ross, at Vic Manuel na may mga injuries at Rodney Brondial dahil sa health and safety protocols.

Si Cruz, na No. 9 overall pick sa 2014 draft, ay unang nagpabilib sa kanyang career-best 30-point exllosion sa 115-99 panalo ng San Miguel laban sa TNT nung nakalipas na linggo

Sinundan ni Cruz ito ng 25-point outing sa 110-107 overtime win ng San Miguel laban sa Blackwater.

“’Yung samahan namin sa team, maganda, masarap. Yung chemistry namin, nandoon na, medyo okay na kasi nagba-bonding kami on and off the court,” paliwanag ni

Cruz, na ngayon ay third best San Miguel scorer sa kanyang 16.8-point per game average, kasunod nila Perez at Fajardo.

Kabilang din sa mga pinagpilian ng PBAPC ay sina Fajardo, Tyrus Hill, Justin Arana at David Murrell ng Converge, Aaron Black ng Meralco at Ian Sangalang, Jio Jalalon at Paul Lee ng Magnolia.