Nueva Ecija

Cuevas sa Novo Ecijano: Paumanhin sa pagkatalo

Ted Garcia Nov 2, 2024
60 Views

PALAYAN CITY–Humingi ng paumanhin ang may-ari ng Nueva Ecija Rice Vanguards na si Bong Cuevas sa libu-libong Novo Ecijano dahil sa hindi pagtupad sa kanilang pangako na ibabalik ang korona ng 2024 Maharlika Pilipinas Basketball League championship sa Nueva Ecija.

Winakasan ng defending champion Pampanga Giant Lanterns ang pag-asa para sa 2024 finals bid ng Nueva Ecija nang talunin nila ang huli sa engkwentro sa ikalawang laro ng kanilang best of three North Division semifinal series sa overtime, 83-80, sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City, Pampanga.
“Ang semifinal series na ito isa para sa mga libro.

Ipinamalas nito ang angas at katapangan at kagustuhang manalo ng ating koponang Nueva Ecija, ngunit sa huli isa lang ang nagwagi.

Gusto kong batiin ang Pampanga Giant Lanterns sa kanilang tagumpay,” ani Cuevas.

“Higit sa lahat, nais kong pasalamatan ang ating mga tagahanga, ang aking mga kababayan sa Nueva Ecija sa patuloy na paniniwala at pagsuporta sa ating koponan.

Ang inyong katapatan at dedikasyon mananatiling puwersang magtutulak sa amin sa koponan,” ani Cuevas.

Umaasa ako na nabigyan ko ang Novo Ecijano ng isang koponan na kumakatawan ng ating katatagan at kakayahang harapin ang kahirapan at walang katapusang pagpupursigi upang manalo sa mga laban sa buhay,” dagdag pa ng NERV team owner.