Storage

DA: Bicol cold storage facility bubuksan na sa Dec

Cory Martinez Aug 24, 2025
267 Views

MAAARING mabuksan na sa Disyembre ang higanteng cold storage facility sa Camarines Sur na makakapagbigay ng trabaho sa mga taga-Bicol at makadagdag ng kita sa mga magsasaka, ayon kina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at Camarines Sur Gov. Luis Raymund Villafuerte.

Sa inspeksiyon ng dalawang opisyal noong Sabado sa naturang pasilidad, sinabi ng kalihim na hindi lamang mga taga-Bicol ang makikinabang sa cold storage facility kundi pati ang mga karatig na rehiyon.

“This mega cold storage facility is scheduled to open in December and will be capable of storing a wide range of agricultural commodities, including vegetables, meat, chicken and fish.

It features a solar power system to help cut electricity costs, a blast freezer and a processing and packing area to support value-adding services for our farmers,” dagdag pa ni Tiu Laurel.

Naaayon ang P500 milyong proyekto sa bisyon ni President Ferdinand Marcos Jr. na gawing agri-preneur ang mga magsasaka na hindi lamang sila food producer kundi magiging pangunahing contributor sa economic growth sa pamamagitan ng entrepreneurship.

Tatayuan ng anim na malalaking refrigerated warehouse ang cold storage na ang bawat isa ay kayang mag-imbak ng 224 tonelada ng agricultural products.

Ang pasilidad, na may kabuuang kapasidad na 1,300 tonelada, dinisenyo hindi lamang magsilbi sa Camarines Sur kundi sa iba pang bahagi ng Bicol, Visayas at Mindanao, na ang mga produkto ay dumadaan sa kanilang probinsya papuntang Metro Manila at iba pang pangunahing merkado.

Pinuri ni Villafuerte sina Pangulong Marcos at Tiu Laurel dahil sa naturang proyekto para sa lokal na agrikultura.

“This will help our farmers diversify, add more value to their produce, and ultimately earn more. It’s an investment in our farmers—the lifeblood of our country—whose calloused hands bring food to our tables,” ani Villafuerte.

Idinagdag pa ni Villafuerte na sinisikap nilang matapos ang pasilidad hanggang Disyembre upang makinabang na ang mga magsasaka sa susunod na taon.