Denmark

DA binawi na ban sa importasyon ng domestic, wild bird mula Denmark

59 Views

Binawi na ng Department of Agriculture ang kautusan nitong pagbabawal sa importasyon ng mga domestic at wild bird kabilang na ng kanilang mga produkto mula sa Denmark dalawang taon matapos itong ipatupad.

Sa memorandum order No.50 na inilabas ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., tinanggal na ang ban matapos na abisuhan ng Danish Veterinary and Food Administration ang World Organization for Animal Health na lahat ng kaso ng highly pathogenic avian influenza sa kanilang bansa ay naresolba na at wala nang naiulat karagdagang outbreak simula noong Setyembre, 2024.

Ipinatupad ng DA ang temporary ban noong Disyembre, 2022 sa pag-angkat ng mga domestic at wild birds at kanilang mga produkto kabilang na ang karne nito, day-old chicks, itlog at semilya matapos maiulat ang avian flu outbreak sa Denmark.

Ipinatupad ang ban upang maprotektahan ang mga konsumer at ang lokal na poultry industry.

Ayon kay Tiu Laurel, agad na ipapatupad ang kanyang kautusan subalit binigyang-diin nito na kailangang tumupad sa mga regulasyon at alituntunin ng kagawaran ang lahat ng import transaction hinggil sa agricultural food import.