DA Source: DA FB page

DA bumuo ng bagong opisina para palakasin agri sector

Cory Martinez Sep 23, 2024
126 Views

BUMUO ng opisina ang Department of Agriculture (DA) na naatasang pagandahin ang kapabilidad ng mga grupong pang-agrikultura at palakasin ang food security.

Sa inilabas na Memorandum Circular 22 ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., binuo ang Agricultural Cooperative Enterprise Development Services (ACED Services) na mag-ooperate sa central at regional field offices ng ahensya at pamumunuan ni Undersecretary Roger Navarro.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel na nangunguna ang mga ACED Services sa estratehiya ng pamahalaan sa pagpapalakas sa mga magsasaka at mangingisda.

“President Ferdinand Marcos Jr. has highlighted the crucial role that transforming and consolidating farmers’ cooperatives and associations plays in improving the livelihoods of our agricultural community.

These efforts are key to advancing agricultural development and ensuring food security,” ani Tiu Laurel.

Magiging instrumento din ang ACED Services sa pagbalangkas ng mga polisiya at plano na susuporta sa mga agricultural cooperative.

Kanila ring mapapamahalaan ang implementasyon ng mga proyekto na nakatuon sa pagresolba sa development gap at baguhin ang mga estratehiya kung kinakailangan.

Magbibigay din ang ACED Services ng mga komprehensibong programa para sa training at asosasyon kabilang na ang kolaborasyon sa ibang pang ahensya ng pamahalaan, pribadong institusyon at civil society organization. Nakatuon ang mga pagsasanay na ito sa pagpapabuti ng kakayahan at kaalaman para sa matagumpay na kooperatiba.

Pangungunahan din ng mga naturang tanggapan ang digital transformation ng mga kooperatibang pang-agrikultura, pag-promote ng paggamit ng data analytics, online marketplaces at climate adaptation tool.

Nakadisenyo ang mga ACED Services sa pagsisikap na mapabilis at gamitin ang epektibong paggamit ng resources na inilaan para sa pagsuporta sa kooperatiba. Magbibigay ang mga naturang services ng feedback mechanism upang patuloy na mapaganda at ma-adjust ang estratehiya base sa output ng mga stakeholder.