Baka Source: DA file photo

DA inalis na pagbawal sa pag-angkat ng baka, produkto nito mula UK

Cory Martinez Oct 17, 2024
76 Views

NI-LIFT na ng Department of Agriculture (DA) ang ban sa pag-aangkat ng buhay na baka at mga produkto nito mula sa United Kingdom.

Base sa Memorandum Order 45, iniutos ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang pagbawi sa temporary ban matapos na iulat ng mga opisyal UK World Organization for Animal Health na natapos na nila ang outbreak ng Bovine spongiform encephalopathy (mad cow disease).

Ipinag-utos ng DA noong Mayo 3 ang ban sa pag-angkat ng buhay na baka, meat at meat product nito, bovine processed animal proteins at semen mula sa baka sa naturang bansa dahil sa outbreak ng mad cow disease.

Ginawa ang hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng mga konsyumer pati na ang lokal na industriya ng panghaha-yupan.

Sinabi ni Tiu Laurel na nagpakita din ng ebidensiya ang mga opisyal ng UK na ipinapatupad ang kanilang mga food safety measure na katulad din sa ginagawa ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Tiu Laurel, dahil sa pagkilala ng WOAH sa naturang bansa bilang “negligible” risk ng mad cow disease, pwede na itong tumanggap uli ng in-transit at incoming shipments mula sa United Kingdom basta mayroong verified equivalence mula sa United Kingdom Veterinary Authority.”