The Embassy of the Philippines

DA nagpasalamat sa PH Embassy sa Israel sa maayos na pag-uwi ng 4 na exec

Cory Martinez Jun 21, 2025
21 Views

NAGPASALAMAT si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Philippine Embassy sa Israel at iba pang ahensiya ng gobyerno sa maayos na pag-uwi sa bansa ng apat na opisyal ng Department of Agriculture (DA) na na-stranded sa Israel.

“Malugod naming tinanggap ang pagbabalik-bansa ng DA delegation sa pangunguna ni Assistant Secretary Benjamin Albarece na nagtungo sa Israel para sa isang misyon upang pag-aralan ang dairy industry ng Israel. Masaya kami na lahat kayo ay ligtas na nakauwi sa inyong mga pamilya at sa DA family,” ani Tiu Laurel.

Kabilang sa study mission sina Philippine Carabao Center Executive Director Liza Battad at mga opisyal ng National Dairy Authority na sina Rowena Bautista at Angelica Escanilla.

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t-ibang ahensya na asistihan ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Iran at Israel na nais bumalik sa Pilipinas.

Noong Hunyo 14 pa dapat nakabalik ng Pilipinas ang delegasyon matapos ang isang linggong study mission. Subalit nakansela ang kanilang flight dahil sa pagkagambala ng regional airspace dahil sa kaguluhan.

Tumuloy ang mga opisyal sa Hotel Kibbutz Shefayim sa Central Israel, kung saan tiniis nila ang napakaraming missile at bomb alerts sa kanilang extended na pananatili sa nabanggit na bansa.

Sa kabila ng tensyonadong sitwasyon, nagtulungan ang Philippine Embassy sa Israel at MASHAV- ang ahensiya ng Israel for International Development Cooperation upang masiguro ang kanilang ligtas at maayos na paglikas.