DA Source: DA

DA rerebisahin pagbiyahe ng hayop upang maresolba hamon sa suplay

Cory Martinez Nov 15, 2024
82 Views

NIREREBISA ng Department of Agriculture (DA) ang mga regulasyon hinggil sa pagbiyahe ng mga hayop, partikular ang mga manok at baboy, upang maresolba ang hamon sa suplay na pinalala ng patuloy na pagsulpot ng mga sakit sa hayop.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., gagawin ang pagrebisa ng mga regulasyon sa pamamagitan ng pagkonsulta sa mga industry group partikular na ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc.

“This extensive review of regulations, including DA Administrative Order (AO) No. 5, Series of 2019, aims to ease supply bottlenecks for chicken and pork without compromising food safety.

It will also help manage expected demand spikes during the holiday season,” ani Tiu Laurel.

Noong 2019, inilabas ang DA Administrative Order No. 5, na nagtatakda ng mga alituntunin para sa pagbiyahe ng mga hayop, mga produkto ng mga hayop at mga by-products upang maprotektahan ang pampublikong kalusugan at masawata ang banta sa kalusugan ng mga hayop.

Nagpapatupad ang naturang regulasyon ng mahigpit na timeline sa pagkuha ng transport permit at nagtatakda ng special requirement para sa partikular na hayop at produkto.

Rerebisahin din ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang DA Administrative Circular No. 2, Series of 2022, na binago ang National Zoning and Movement Plan upang makontrol ang African Swine Fever (ASF).

Lubhang pininsala ng ASF ang sektor ng pagbababoy simula nang magka-outbreak noong 2019.

Sa pakikipag-kolaborasyon sa Food and Drug Administration (FDA), tinatrabaho ngayon ng DA na maging commercially available sa Pilipinas ang bakuna para sa ASF.

“We aim to streamline these processes and update safety measures to ensure stable supply and reasonable prices for pork, poultry and other products, while safeguarding both public health and the livestock industry,” dagdag ni Tiu Laurel.

Bahagi ng 10-point agenda ng DA ang pagrebisa upang mabalanse ang pagpapaunlad at regulasyon.

Kinukunsidera din ng DA ang isang multi-billion peso investment upang maayos ang mga quarantine facility, mapaigting ang kakayahan sa monitoring at makapagpatayo ng mga regional laboratory.