Calendar

Dagdag 10K non-teaching staff hinirang na tamang hakbang para sa edukasyon
BUONG suporta ang ibinigay ni Senador Joel Villanueva sa inisyatibo ng Department of Education (DepEd) na kumuha ng 10,000 non-teaching personnel.
Aniya, ito ay matagal nang kinakailangang reporma upang mapagaan ang trabaho ng mga guro at maibalik ang kanilang buong atensyon sa pagtuturo.
“The hiring of 10,000 non-teaching positions is a step in the right direction for the education sector,” pahayag ni Villanueva sa isang kalatas na may petsang Mayo 25.
Ipinaalala rin niya na ang hakbang na ito ay kaakibat ng naunang plano ng ahensya na mag-recruit ng 20,000 bagong guro bago magsimula ang pasukan.
Ang naturang inisyatiba ay nakabatay sa DepEd Order No. 2, s. 2024, na nag-aatas ng agarang paglilipat ng mga gawaing administratibo mula sa mga guro patungo sa mga non-teaching staff at school heads.
Ilan sa mga trabahong ito ay ang pangangasiwa sa mga tauhan, pag-uulat ng pananalapi, at pamamahala sa ari-arian ng paaralan.
May 60-araw na transition period ang itinakda ng DepEd upang ganap na maipatupad ng mga paaralan ang pagbabago.
Batay sa mga konsultasyong isinagawa ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2)—kung saan miyembro si Villanueva—lumitaw na may mahigit 50 karagdagang tungkulin ang nakaatang sa mga guro.
“These tasks keep the teachers away from the classrooms,” ani Villanueva, at binanggit ang mga papel na ginagampanan ng mga guro gaya ng pagiging canteen manager, coordinator ng feeding program, at tagapamahala ng Gulayan sa Paaralan.
Dagdag pa niya, “Kung nakatuon po sa pagtuturo ang ating mga guro, mas may panahon at enerhiya nilang masosolusyunan ang learning crisis sa bansa,” na kanyang iginiit bilang mahalagang hakbang upang tugunan ang krisis sa edukasyon.
Ayon sa Department of Budget and Management, humigit-kumulang ₱5.1 bilyon ang inilaan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act para sa pagkuha ng mga bagong kawani.
Ang mga posisyon ay itatalaga bilang Administrative Officer II (Salary Grade 11) at ipapamahagi sa mga pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa buong bansa.
Sa kabila nito, ibinunyag ni Villanueva na may natitira pang 47,546 hindi napupunang posisyon sa DepEd ngayong taon.
“We have consistently pushed to fill vacant positions in government. This will not only provide employment to our kababayans, but will enrich our pool of public servants,” aniya.
Binigyang-diin din ng senador na ang sapat na tauhan sa sektor ng edukasyon ay susi sa paglutas ng krisis sa pagkatuto: “The government is finally listening to the teacher and student woes, and are trying to make things right.”