LTO

Dagdag LTO enforcers tumulong maibsan daloy ng traffic sa Albay

Jun I Legaspi Dec 20, 2024
40 Views

NAG-deploy ang Land Transportation Office (LTO) ng dagdag na enforcers para tumulong makaluwang sa napakatinding traffic congestion sa malaking bahagi ng Andaya highway sa Lupi, Camarines Sur dahil sa dami ng nire-repair na bahagi ng kalsada.

Ayon kay Assistant Secretary, LTO Chief Atty. Vigor D. Mendoza II, layunin ng deployment na dagdagan ang puwersa ng pulisya at mga tauhan mula sa mga local government unit (LGU) para maibsan ang daloy ng trapiko sa lugar.

Isang linya lang ng bahagi ng Andaya highway mula Brgy. Tapi hanggang Brgy. Coacling sa Lupi ang maaaring daanan dahil sa pagguho ng lupa.

“Sa mga nakaraang araw, mabagal ang daloy ng trapiko sa lugar dahil sa pagguho ng lupa dulot ng malakas na pag-ulan. Nag-deploy tayo ng mga tauhan para tumulong sa pamamahala ng trapiko,” ani Assec Mendoza.

Hinimok din ni Assec Mendoza ang mga apektadong motorista na huminahon sa kabila ng matinding trapiko.

“Dahil sa kagustuhan ng iba na makasingit, lalo tayong nagkakaproblema sa trapiko. Ito ang nais nating iwasan kaya nag-deploy tayo ng mga enforcer para masigurong sumusunod ang mga motorista sa tamang patakaran,” dagdag ni Assec Mendoza.

Sa kabila ng sitwasyon sa Andaya highway, hinikayat ni Assec Mendoza ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta.

Nagbigay siya ng paalala lalo’t inaasahan ang mas maraming biyahero patungong Bicol ngayong paparating na Pasko.

“Kung ‘di maiiwasang magdala ng sasakyan, mag-commute, pinapayuhan natin ang ating mga kababayan na magbaon ng maraming pasensya dahil sa trapiko at planuhin nang maigi ang kanilang biyahe,” sabi ni Assec Mendoza.