Calendar
Dahil may shabu, parak sinipa ng angkas, nanipa arestado
ARESTADO ang angkas ng Joyride na nanipa ng pulis at natiklo sa pagdadala ng P34,000 na halaga ng shabu sa checkpoint sa Valenzuela City noong Sabado.
Bulagta sa kalsada si Pat. Bryan Cardenas kaya ang kasama niyang si P/SSg. Rommel De Robles ang umaresto sa suspek na si alyas “Jo,” 34.
Batay sa ulat, nasa checkpoint sa kanto ng MacArthur Highway at C. Santiago Street, Barangay Dalandanan sina Valenzuela Police Sub-Station-6 Commander P/Capt. Ronald Malana nang parahin ang rider na si alyas “Arnold” sakay ang pasaherong suspek dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Habang pinatatabi ang dalawa, biglang sinipa ng suspek ang pulis kaya bumagsak sa kalsada.
Nang kapkapan ng mga pulis ang suspek, nakuha sa kanya ang 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000.
Sasampahan ng kasong direct assault at illegal possession of dangerous drugs ang suspek habang magsisilbing testigo laban sa kanya si Arnold.

