Huli

Lalaki laglag sa tangkang pamamaril

Edd Reyes May 30, 2026
20 Views

TIKLO sa mga pulis ang 30-anyos na lalaki nang tangkaing barilin ang dating ka-tropa sa hinalang “kinanta” siya sa mga pulisya noong Sabado sa Valenzuela City.

Nakatakbo sa mga nagpapatrolyang tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento si alyas “Vicente,” 26-anyos, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si alyas “Ronald” at pagkumpiska sa cal .38 revolver na itinutok sa biktima.

Sa ulat ni Talento, naglalakad pauwi ang biktima dakong alas-1:45 ng madaling araw nang nakasalubong ang suspek sa Batimana Compound, Barangay Marulas.

Minura at binantaang papatayin ng suspek ang dating ka-tropa dahil sa pagiging madaldal umano nito na mariing ikinaila ng biktima.

Nang bumunot ng baril si alyas “Ronald” at itinutok sa biktima, nagtatakbo ang huli hanggang makahingi ng tulong kina P/Cpl John Melo De Paz at P/Cpl Inglis Balagtas na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.