Suspek

Dahil sa human trafficking, bebot na Vietnamese nasakote

Edd Reyes Nov 14, 2025
528 Views

TIMBOG sa entrapment ang babaeng Vietnamese national na sangkot sa human trafficking noong Biyernes sa Makati City.

Pinosasan ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) acting director P/BGen. Randy Arceo ang 29-anyos na si alyas Houng matapos tanggapin ang markadong P1,000 salapi sa pulis na nagpanggap na customer na naghahanap ng panandaliang aliw alas-3:30 ng madaling araw sa isang hotel sa Makati City.

Nailigtas din ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Antonio Ananayo, Jr. OIC ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD, sa entrapment ang 26-anyos na biktimang si alyas Tru’O’ng, na isa ring Vietnamese national.

Batay sa ulat, inaalok ng magandang trabaho ng suspek ang mga babaeng kababayan, gamit ang social media platforms.

Kapag kumagat, kukumpiskahin ang kanilang pasaporte at tatakutin kapag hindi sumang-ayon sa ilegal na gawain.

Nakumpiska ng pulisya sa inokupang silid ng dayuhan ang personal na identification, mga bago at gamit ng condom, markadong salapi, at iPhone 16 ProMax na gamit sa pambubugaw.