BI

Dahil sa money laundering, Koreano laglag sa BI

Jun I Legaspi Jan 12, 2026
262 Views

INARESTO noong Enero 11 ng mga agents ng Bureau of Immigration (BI) kamakailan ang South Korean national na hinahanap ng Interpol sa pagiging sangkot umano sa money laundering.

Inaresto ang suspek na si Yun Daeyoung, 50, bago makatakas patungong Hanoi sakay ng Vietnam Airlines.

Sa inspeksyon, lumabas ang Interpol hit ni Yun dahilan upang agad na i-refer ang pasahero sa masusing beripikasyon.

Ayon kay BI Interpol Chief Peter de Guzman, si Yun ay kakasuhan ng undesirability sa ilalim ng batas imigrasyon ng Pilipinas sa pagkakasangkot sa money laundering na kaugnay ng isang sindikato ng goods purchase fraud sa South Korea.

Niloko umano niya ang isang biktima sa pamamagitan ng huwad na pangakong bahagi sa kita ng isang online shopping mall at nakapandaya ng 22,550,204 won o mahigit P900,000.

Sa kabuuan, nakapandaya si Yun ng 140,748,319 won o P5.7 milyon sa pamamagitan ng 24 magkakahiwalay na transaksyon.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang pagkakaaresto ay patunay ng matatag na paninindigan ng ahensya laban sa transnational crime at mga puganteng nagtatangkang takasan ang hustisya.

Dagdag pa ni Viado, nananatiling mapagbantay ang BI sa lahat ng paliparan at pantalan.

“Ipinapakita ng kasong ito kung gaano kahalaga ang koordinasyon sa Interpol at mga dayuhang katuwang.

Patuloy naming palalakasin ang mga partnership na ito upang matiyak na ang mga indibidwal na may kasong kriminal sa ibang bansa ay mahaharang at haharapin alinsunod sa batas,” ayon sa BI chief.