Calendar
BI agents nasabat 2 Pinoys na muntik malaglag sa human traffickers
NAILIGTAS ng agents ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Enero 2 ang dalawang Pilipino na muntik mabiktima ng human trafficking para sa ilegal na trabaho sa Russia.
Nasabat ang dalawang lalaki, edad 48-anyos at 52-anyos, habang patungong Hong Kong sakay ng Cathay Pacific flight.
Una nilang sinabi na sila’y maglalakbay bilang mga tourist sa Russia ngunit naharang matapos matuklasan na maraming hindi tugmang detalye sa kanilang mga pahayag.
Nakatanggap ang BI ng impormasyon mula sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) hinggil sa malaking grupo ng mga indibidwal na umano’y ipinapadala sa Russia para magtrabaho.
Sa masusing inspeksyon, inamin ng mga pasahero na sila’y ni-recruit upang magtrabaho sa Russia at sa Hong Kong pa sila maghihintay ng kanilang mga tiket at visa.
Ibinahagi nila na sila’y na-recruit ng isang tao sa social media na nangakong legal ang kanilang mga dokumento at nag-alok ng buwanang sahod na mula P100,000 hanggang P150,000.
“Hindi kailanman legal kung ikaw ay inutusang magpanggap na turista, itago ang tunay na destinasyon o hintayin ang mga dokumento habang nasa ibang bansa na,” sabi ni Joel Anthony Viado, BI Commissioner.
Muling iginiit ng BI na ang lehitimong overseas employment ay nangangailangan ng tamang dokumentasyon at malinaw na proseso sa pamamagitan ng awtorisadong ahensiya ng pamahalaan.
Ang dalawang nailigtas na pasahero ay isinangguni sa IACAT para sa tulong at paghahain ng kaso laban sa kanilang mga recruiter.

