Chinese

Dahil sa overstaying, ilegal na pagtatrabaho 5 Chinese tiklo

Jun I Legaspi Feb 5, 2026
123 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang ilang Chinese nationals sa Zamboanga City at Tabuk City, Kalinga dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon.

Sa Zamboanga City, inaresto si Rongtian Shi, 40, noong Pebrero 2 sa Maria Clara St., Brgy. Zone 3 dahil sa pamamahala ng negosyo at nakikipag-ugnayan sa mga kostumer.

Lumabas na mayroong iregularidad sa kanyang rekord dahil ang kanyang working visa ay inisponsor ng isang kompanya sa Quezon City—isang paglabag sa batas ng imigrasyon.

Sa Tabuk City, Kalinga, inaresto si Huang Xilai, 57, sa loob ng isang establisimyento sa Brgy. Dagupan Centro.

Natuklasan na siya ay overstaying at nagtatrabaho nang walang kaukulang visa o permit. Hindi rin siya nakapagpakita ng wastong travel documents at digital copy lamang ng kanyang pasaporte ang naipakita.

Inaresto rin ng BI agents ang tatlo pang Chinese national dahil sa overstaying, pagtatrabaho nang walang pahintulot, paglabas sa saklaw ng kanilang visa petition at kawalan ng dokumento.

Nakilala ang tatlo na sina sina Huang Huifang, 51; Huang Menggui, 24; at Huang Mengjiao, 28.

Dinala sa Maynila ang lahat ng inarestong dayuhan para sa booking, medikal na pagsusuri, biometrics processing, at dokumentasyon bilang paghahanda sa preliminary investigation at posibleng deportation proceedings.

Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga operasyon ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na ipatupad ang batas sa imigrasyon at sugpuin ang ilegal na pagtatrabaho ng mga dayuhan.