PBBM1 Larawan: Philippine News Agency/FB

EO 108 binubuwag OSAPIEA

116 Views
PBBM
Larawan: Philippine News Agency/FB

NAGLABAS ng Executive Order No. 108 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-uutos sa pagbuwag sa Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAPIEA) at paglilipat ng mga tungkulin nito sa Office of the Executive Secretary.

Batay sa nilalaman ng kautusan, layunin ng reorganisasyon na gawing mas simple, efficient, at maayos ang pagpapatupad ng mga programa at polisiya ng pamahalaan kaugnay ng investment at economic affairs. Sa ilalim ng EO 108, ang lahat ng kapangyarihan, tungkulin, at responsibilidad ng OSAPIEA ay isasama na sa Office of the Executive Secretary, alinsunod sa kani-kanilang mandato.

Nakasaad din sa kautusan na ang lahat ng records, dokumento, resources, kagamitan, at opisina na ginagamit ng OSAPIEA ay ililipat sa Office of the Executive Secretary. Maaari ring ilipat ang mga tauhan ng naturang tanggapan sa bagong opisina, alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Ayon sa EO, ang hakbang ay bahagi ng pagsisikap ng administrasyon na mas paigtingin ang koordinasyon sa economic at investment initiatives ng pamahalaan, pati na ang pagpapalakas ng monitoring system upang mas epektibong matugunan ang mga hamong pang-ekonomiya ng bansa.

Agad na magkakabisa ang kautusan matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa pahayagang may general circulation.