Calendar
DOTr pinadodoble mga hakbang sa pagpapababa ng airfare
PINADODOBLE ng Department of Transportation (DOTr) ang mga hakbang upang mapababa ang domestic airfare, kabilang ang pagpapahaba sa 2,100 metro ang mga runway sa mga maliliit na airport na rehiyonal at probinsyal gaya ng sa Siargao.
Ayon sa kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Giovanni Lopez, lahat ng paliparan na kulang sa itinakdang 2,100 metro ay pahahabain.
“Ang polisiya po natin sa DOTr, pagdating sa mga bagong paliparan na itatayo, lahat dapat ng runway ay may minimum na 2,100 metro para handa sila sa mas malalaking eroplano,” sabi ni Sec. Lopez.
Isinusulong din ng DOTr at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang night-rating program para sa mga tourist airports.
Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng kakayahan ang mga paliparan na magsagawa ng biyahe sa gabi at madaling araw.
Noong nakaraang taon, hiniling na ni Sec. Lopez sa Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific na ibaba ang pamasahe papuntang Siargao mula P17,500 tungo sa P11,700. Ang pinakamababang one-way ticket ay nasa P3,908.
Samantala, nagtayo ang Philippine Ports Authority (PPA) ng cruise terminal sa Siargao kung saan nakadaong na ang mga barko ng 2GO, na nag-aalok ng pamasahe na P3,500.
Dagdag pa rito, sinabi ni Sec. Lopez na pinag-aaralan ng DOTr at CAAP ang posibilidad na ibaba ang terminal fees sa mga paliparan na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.

