Taxi

Dahil sa robbery prank, EV taxi sinuspinde ng 30 araw

Jun I Legaspi Jun 27, 2026
136 Views

PINATAWAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw na preventive suspension ang isang electric vehicle (EV) taxi matapos masangkot ang driver nito sa viral robbery prank na kagagawan ng dalawang vlogger.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, hindi nakakatuwa ang pambibirong holdap.

“Sa halip, naghahatid ito ng takot sa ating mga kababayan na regular na sumasakay ng taxi at TNVS. We will look into this and we assure that appropriate disciplinary measures will be done,” sabi ng chairman.

Naglabas din ang LTFRB ng show cause order (SCO) laban sa Green and Smart Mobility Philippines Inc., ang operator ng EV taxi, matapos maakusahan ang driver na nakipagsabwatan sa dalawang vlogger upang isagawa ang prank.

Sa viral na video, inanunsyo ng driver ang umano’y holdap bago sumakay ang dalawang vlogger na nagpanggap na mga holdaper.

Lalo itong nakababahala dahil iniimbestigahan ng LTFRB ang dalawang taxi driver na umano’y nangholdap sa dalawang dayuhang modelo noong Hunyo 13 para sa isang fashion show.

Binigyang-diin ni Mendoza na malinaw itong paglabag sa obligasyon ng mga public utility vehicle na magbigay ng ligtas at maayos na serbisyo sa publiko.