Impeachment

Pre-trial order ilalabas ng Senate Impeachment Court sa Hunyo 29

66 Views

ILALABAS ng Senate Impeachment Court ang pre-trial order sa June 29 at bibigyan ang prosecution at defense ng tatlong araw para magsumite ng comments bago magsimula ang paglilitis sa Hulyo 6.

Inaasahang nakapaloob sa pre-trial order ang agreed facts, witnesses at trial dates sa impeachment proceedings.

Ayon kay Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court Renato Bantug Jr., ang senator-judges ang magpapasya kung paano aaksyunan ang request ng prosecution kaugnay ng sealed box ng mga dokumento sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Hihintayin niya ang instructions ng senator-judges kaugnay ng request na markahan ang laman ng sealed box.

Natapos ang pre-trial conference noong June 25 matapos ang limang working sessions na nakatuon sa preliminary marking at evaluation ng documentary evidence mula sa magkabilang panig.

Nauna nang sinabi ni Bantug na walang kapangyarihan ang pre-trial conference at clerk of court na magpasya kung maaaring buksan o markahan ang sealed box.

“The pre-trial conference cannot decide on that. As clerk of court, I cannot decide on that,” sabi ni Bantug.

Hiniling ng prosecution na buksan ang sealed box at markahan ang laman nito bilang ebidensya.

Kailangang pagpasyahan ng impeachment court ang usapin, habang bibigyan ng pagkakataon ang defense na magkomento.

Maaaring umabot sa 92 trial days ang presentasyon ng ebidensya sa impeachment trial at inaasahang 62 trial days ang prosecution at 30 trial days ang defense.

Inaasahang isasagawa ang trial tuwing Lunes hanggang Miyerkules kapag nagsimula na ang proceedings.

Sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na dapat ikonsidera ng impeachment court ang pagpapayo sa prosecution at defense panels na umiwas sa hayagang pagkomento sa merits ng kaso.

Nilinaw niya na nakatuon ang kanyang pangamba sa mga komento hinggil sa merits ng kaso at hindi sa procedural matters o iba pang puntong makatutulong sa publiko na maunawaan ang impeachment process.