Calendar
Ang mga batang biktima ng malakas na pagsabog ng malaking paputok sa may Jose Abad Santos Avenue, Tondo, Manila.
Dalawang 12-anyos na lalaki nasabugan ng Big Triangle; 1 patay, 1 malubha




HINDI na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang 12-anyos na batang lalaki, habang inoobserbahan pa ang 12-anyos din na kasama niya, matapos masabugan ng paputok na “Big Triangle” sa Lorenzo Street corner Jose Abad Santos Avenue, Tondo, Manila, gabi ng Linggo.
Nakilala ang namatay na biktima na Grade 5 student at nanirahan sa Almeda Street, Tondo.
Ang kasamahan niya na Grade 7 student na naninirahan sa Yuseco Street, Tondo, ay patuloy pang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Hospital.
Ayon sa report, bandang alas-8:20 ng gabi bago ang nangyaring insidente ay nakita pa ang dalawang bata na naglalakad habang may hawak na Big Triangle na paputok ang isa sa kanila, ayon sa kuha ng CCTV ng Barangay 224 sa Jose Abad Santos Avenue, Tondo.
Pagdating nila sa isang parking lot na yero ang pader ay sinindihan ng mga bata ang nasabing paputok at dahil sa lakas ng pagsabog ay nabalot ng usok ang dalawa.
Dahil dito, agad na ipinagbigay alam ang nangyaring pagsabog sa himpilan ng pulisya.
Pagdating sa nabanggit na lokasyon, naroroon na ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Police Station 7, sa pangunguna ni PMaj. Renz Krizztofer Figueroa at PCpl. Jenario Racca, at kanilang na-secure ang pinangyarihan ng insidente.
Kasabay nito, ang mga tauhan mula sa District Explosive at K-9 Unit ng MPD, sa pangunguna ni PCpt. Christopher Milan, ay nagsagawa ng paunang pagsisiyasat pagkatapos ng pagsabog.
Natagpuan ang bangkay ng unang biktima na nakahandusay sa gilid ng kalsada at natatakpan ng puting kumot.
Dahil sa matinding pinsala, nagkalasog-lasog at humiwalay ang isa sa mga braso ng biktima.
Nagsagawa rin ang MPD Forensic Unit–Scene of the Crime Operation, sa pangunguna ni PCpt. Vimaylin Tacazon, ng teknikal at forensic na pagsisiyasat sa lugar, katulong ang District Explosive at K-9 Unit.
Matapos ang dokumentasyon, ang bangkay ay dinala sa Sanctuary Funeral para sa safekeeping at autopsy examination.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na habang ang dalawang biktima ay naglalakad sa kahabaan ng Lorenzo Street sa Tondo, may napansin silang mga paputok na nakalatag sa semento.
Napulot ng unang biktima ang hindi pa na-identify na paputok, habang ang isa ay kumuha ng piccolo firecracker.
Pagdating sa isang lugar malapit sa Abad Santos Avenue, sinindihan nila ang piccolo firecracker gamit ang disposable lighter.
Sa pagkakataong iyon, magkasabay umanong sumabog ang dalawang paputok.
Dahil dito, nagtamo ng matinding sugat ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Nasugatan din ang isa pa at agad na dinala sa nasabing pagamutan.

