Calendar
Dapat ibatay ang boto ng impeachment court sa mga senator-judge na aktuwal na lumalahok sa paglilitis — Chua
SINABI noong Sabado ng isang pangunahing miyembro ng House prosecution team na ang magiging botohan ng Senate impeachment court sa kaso ni na-impeach na Vice President Sara Z. Duterte ay dapat ibatay sa bilang ng mga senator-judge na aktuwal na dumadalo at nakikilahok sa kanyang paglilitis.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, chairman ng Committee on Good Government and Public Accountability, sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, malaking usapin ngayon ang itinakdang bilang ng boto na kailangan sa impeachment trial.
“Malaking isyu po ito. Personally, naniniwala po ako, dapat po kung sino lang po ‘yung nagpapa-participate sa impeachment trial, dapat ‘yun lang ang boboto,” aniya.
Ikinumpara ni Chua ang isang senator-judge sa isang hukom sa mababang hukuman at tinanong kung paano makaboboto ang isang senator-judge na hindi naman lumahok sa paglilitis.
“Kasi po, papaano ka boboto kung hindi ka naman nagparticipate sa impeachment trial. So parang isang huwes, paano po siya magre-render ng kanyang verdict, whether guilty or not, kung hindi naman niya nakita ‘yung mga sinabi ng mga testigo,” aniya.
Ipinaliwanag niya na hindi katulad ng karaniwang gawaing lehislatibo, ang impeachment trial ay maituturing na kahalintulad ng isang paglilitis sa hukuman.
Aniya, mahalagang personal na makita ng senator-judge ang kilos, asal, at pag-uugali ng isang testigo upang matukoy kung nagsasabi ito ng totoo o nagsisinungaling bago magpasya.
“Hindi po natin puwedeng ipareha sa ordinary legislative na ginagawa po ng mga senador. Kasi po, maliwanag po, dito po sa impeachment, ito po ay parang akin to court hearing, kung saan po ang huwes ay tinitingnan yung demeanor ng testigo kung ito po ay nagsasabi ng totoo, kung ito po ay nagsisinungaling,” sabi niya.
“Parte po ng kanilang pag-rerender ng judgment ang pagtingin sa mannerism at conduct ng testigo habang nasa witness stand,” dagdag niya.
Binanggit din ng mambabatas mula Maynila na kapag ang desisyon ng isang trial court judge ay iniaapela sa Court of Appeals, ang karaniwang sinusuri lamang ay mga usaping legal at hindi ang mga usaping paktuwal.
“So ganun din po dito. Paano po sila (senator-judges) boboto kung ‘di naman nila nakita ‘yung testigo, hindi po nila na-assess iyung demeanor, hindi po nila nakita at na-assess kung ito po ay nagsisinungaling o hindi,” aniya.
Nang tanungin kung sino ang magpapasya sa usapin ng botohan, sinabi ni Chua:
“At the end of the day, sa Supreme Court.”
Gayunman, sinabi niyang maaaring gamitin sa impeachment court ang quorum rule na itinakda noong Hulyo 3 ng bagong mayorya sa Senado sa pamumuno ni Sen. Sherwin Gatchalian.
“Pero tingnan natin kung puwedeng i-apply yung quorum. Kasi kung yun ang magiging desisyon nila, tutal may decided cases na dito, sa tingin ko wala rin namang masama na ito ang i-apply.
Ang basis ng quorum, let us say sa 22, hindi po sa 24,” diin niya.
Sa isa pang tanong, sinabi ni Chua na mas mabuting maresolba agad ang usapin ng botohan.
“Mas maganda the soonest the better, dahil po ang trial less than a month magsisimula na (sa Hulyo 6),” aniya.
Idinagdag niya na hindi pa ito lubusang napag-uusapan ng House prosecution team dahil nakatuon pa sila sa paghahanda para sa pre-trial conference sa Hunyo 18.
“Ang pinaghahandaan po natin ngayon ay ang pre-trial conference. Ito po ay in passing pa lang namin napag-uusapan, so wala pa pong definite kung ano ang gagawin namin dito,” sabi niya.
Samantala, sinabi naman noon ni isa pang House prosecutor na si Akbayan Rep. Chel Diokno na hindi maaaring baguhin ang requirement ng dalawang-katlong boto upang mahatulan ang Bise Presidente dahil malinaw itong itinakda ng Konstitusyon.
Gayunman, aniya, ang pinagtatalunang usapin ay kung anong bilang ng senator-judges ibabatay ang naturang two-thirds vote.
“Yung isa na lang siguro magiging issue and really this is not well settled by jurisprudence is how do you count the two-thirds. ‘Yung ganun, it’s very similar to ‘yung question tungkol sa quorum,” aniya.
Ayon kay Diokno, nalinaw na ng Korte Suprema ang usapin tungkol sa quorum.
“Kung dati ang pananaw ng karamihan ay dapat 13 (of 24 senators), kinlaro na ‘yan ng ating Supreme Court that it could be less than 13 depending on how many senators are within the coercive reach of the Senate. Now whether that will also apply to the impeachment court ay hindi pa yan na-sesettle ng jurisprudence,” paliwanag niya.
“So hindi rin natin alam kung paano ang magiging pagpapasya ng Supreme Court kung sakasakaling umabot doon itong issue,” dagdag ni Diokno.

