Calendar
Chua: Isang matibay na Artikulo lamang sapat na upang mahatulan si VP Sara
SINABI ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na hindi kinakailangang iharap ng House prosecution panel ang lahat ng apat na Artikulo ng Impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte kung magiging malinaw sa paglilitis na sapat na ang isang artikulo upang makamit ang hatol na pagkakasala.
Sa kanyang pagdalo sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Chua na maaaring umusad ang impeachment trial sa Senado batay sa kung paano tatanggapin at susuriin ang ebidensya sa bawat artikulo, habang nakatuon ang prosekusyon sa pagpapatunay ng mga kinakailangang batayan upang panagutin si Duterte alinsunod sa Konstitusyon.
Kasalukuyang naghahanda ang House prosecution panel para sa pre-trial phase ng impeachment case. Sa mga naunang pahayag ng prosekusyon, sinabi nitong ihahain ang kanilang pre-trial brief sa Lunes, nakatakda ang pre-trial conference sa Hunyo 18, at magsisimula ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6. Inihayag din ng panel na nagsumite ito ng manifestation sa halip na pormal na reply matapos ilarawan ang sagot ni Duterte bilang isang “non-answer” sa mga paratang sa impeachment.
Nang tanungin tungkol sa posibleng haba ng paglilitis, sinabi ni Chua na maaaring hindi na kailanganing iharap ng prosekusyon ang lahat ng apat na artikulo kung matutukoy nitong sapat na ang ebidensya sa isa, dalawa, o tatlong artikulo.
“Depende po kasi kung sa tingin po namin, after two, one, two, or three articles, tingin namin, matibay na yung aming ebidensya, hindi na po namin kailangan tapusin ‘yung apat na articles,” ani Chua.
Binigyang-diin niya na hindi kinakailangang magkaroon ng hatol na pagkakasala sa lahat ng apat na artikulo.
“So ang kailangan naman namin ay isang conviction sa article,” sabi ni Chua.
“Hindi po kailangan conviction sa lahat ng articles,” dagdag niya.
Ayon kay Chua, kapag nakamit na ang hatol na pagkakasala sa isang artikulo, maaari nang matapos ang paglilitis.
“So isa lang doon, ma-convict po siya, tapos na po yung trial,” aniya.
Nang tanungin kung paano maaaring maganap ang botohan matapos maiprisinta ang isang artikulo lamang, sinabi ni Chua na maaaring magpasya ang prosekusyon na isumite na ang kaso para sa botohan kung naniniwala itong sapat na ang naiharap na ebidensya.
“So, kung puwede po kunwari, naniniwala po kami, pagkatapos po namin ‘yung presentation ng isang article, sa tingin namin matibay na, puwede na po namin i-submit, hindi na po namin ituloy yung tatlo pang articles,” dagdag niya.
“So hindi po namin kailangang patunayan yung apat na articles. Kung sa tingin namin ‘yung unang article pa lamang matibay na ang ebidensiya at na naniniwala kami na doon pa lang ma-co-convict na, puwede po hindi na po namin ituloy at puwede po yung doon lamang ay pagbotohan na ng mga senador,” paliwanag ni Chua.

