Calendar
Dapat may e-wallet para ayuda mabilis makuha–LTFRB
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng fuel subsidy, inabisuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver at operator na magbukas ng e-wallet account upang mas mabilis makatanggap ng ayuda.
Para sa mga hindi komportable gumamit ng e-wallet, maaari silang pumunta sa mga nakatakdang lugar ng distribution na itatakda ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ipinaliwanag ni LTFRB Chairperson Vigor D. Mendoza II na ang paggamit ng e-wallet ang pinakamabilis na paraan ng pagtanggap ng fuel subsidy dahil hindi na kinakailangang pumila nang matagal sa mga distribution venues.
“Lagi naming nais na maibigay ang pinakamainam na serbisyo alinsunod sa utos ng Pangulo at ni Secretary Banoy. Sa aming panig, ang pamamahagi sa pamamagitan ng e-wallet ang pinakamabisang paraan,” sabi ni Mendoza.
Kasalukuyang isinasagawa ng LTFRB ang mga paghahanda para sa pagpapatupad ng fuel subsidy program na naglalayong magbigay ng tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong operator at driver ng pampublikong transportasyon.
Inimbitahan na rin ng ahensya ang lahat ng kwalipikadong Electronic Money Issuers (EMIs) upang magsilbing payment channel providers para sa episyente, ligtas, at transparent na pamamahagi ng fuel subsidy sa mga benepisyaryo.
Nagsimula na ang pamamahagi ng fuel subsidy noong Martes sa Metro Manila, na unang nakinabang ang mga driver ng tricycle.
Ayon kay Chairperson Mendoza, inatasan na niya ang lahat ng regional director na pabilisin ang pag-update at pagsusumite ng datos kaugnay ng pamamahagi ng fuel subsidy sa kani-kanilang rehiyon.

