Calendar
Reporma sa agrikultura, mas malakas na produksyon ng pagkain isinusulong
ITINUTULAK ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pagpasa ng dalawang panukalang reporma sa agrikultura, at iginiit na kailangang palakasin ng bansa ang lokal na produksyon ng pagkain at bawasan ang pagdepende sa importasyon habang nanganganib ang pandaigdigang suplay ng pagkain at tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa plenaryo, inisponsoran ni Pangilinan ang Senate Bill No. 1990 na naglalayong likhain ang Bureau of Agricultural Cooperatives, at ang Senate Bill No. 1991 na magpapalakas sa National Agriculture and Fisheries Extension System.
Ayon kay Pangilinan, mapapabuti ng panukalang Agricultural Cooperatives Act ang pagkuha ng pautang ng mga magsasaka at mangingisda at magpapalakas sa mga kooperatiba sa agrikultura at pangisdaan. Samantala, layon naman ng Agriculture and Fisheries Extension Act na ibalik ang pambansang pangangasiwa sa extension services sa ilalim ng Department of Agriculture upang matiyak na nakararating hanggang antas ng munisipyo ang mga programa at tulong para sa mga magsasaka at mangingisda.
“To secure our food, we must first secure our farmers and fisherfolk. These two measures will hopefully address the gaps in the structure of agriculture and fisheries governance in the country and therefore address the urgent need to fix what is broken in the agricultural and fisheries sector,” ani Pangilinan.
Sinabi rin ng senador na makadadagdag ang dalawang panukala sa 2019 Sagip Saka Act, na nagpapahintulot sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na direktang bumili ng pagkain mula sa mga magsasaka at mangingisda nang hindi na dumaraan sa public bidding. Aniya, mula sa $10 bilyong halaga ng agricultural imports noong siya ay food security secretary noong 2014 at 2015, dumoble na ito sa $20 bilyon makalipas ang isang dekada.
Binigyang-diin ni Pangilinan na dapat manatiling pangunahing prayoridad ng bansa ang food security, at hinimok ang mga kapwa mambabatas na unahin ang pagpasa sa mga panukalang ito upang maprotektahan ang bansa laban sa mga susunod na krisis sa pagkain.

