Tulfo1

Dapat may managot sa Maco landslide kung saan 90 katao namatay – Rep. Tulfo

155 Views

IMBESTIGAHAN.

Ito ang mungkahi ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa nangyari sa Maco landslide noong nakaraang buwan.

Tila walang ahensya ang nais mag-imbestiga daw sa pagkamatay ng 90 katao sa Maco, Davao de Oro noong nakaraang buwan dulot ng landslide.

“Parang walang gustong kumilos at parang gustong ibaon na lang natin sa limot ang insidente,” aniya.

Ayon kay Cong. Tulfo, “okey lang na hindi na imbestigahan kung walang namatay, kaso 90 ang binawian ng buhay doon…ganun-ganun na lang ba”?

Dagdag pa ng mambabatas, akala niya ay kikilos agad ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) o ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) para mag-iimbestiga subalit wala umanong nangyari.

Sa isang interview, sinabi ng House Deputy Majority leader na naghain sila ng panukala kasama si Davao De Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga para imbestigahan ng Kongreso ang malagim na insidente.

Anang neophyte congressman, “nasa komite na ni Dinagat Cong. Allan Ecleo, chairman ng Committee on Disaster pero di pa rin masimulan dahil magbabakasyon muna ata daw yung head ng secreteriat nila”.

Suportado naman ng House leadership at ilang mambabatas, tulad ng ACT Teachers at Gabriela Partylist ang pag-iimbestiga ng Kongreso sa Maco landslide incident.

“We can’t just sit down at hayaan lang natin na hindi gumulong ang hustisya para sa 90 na namatay”, ani ACT Teacher Cong. France Castro.

“Dapat may managot dito kasi idineklara na nga na no build zone bakit may mga bahay pa rin doon?,” pahabol pa ni Tulfo.