Momo

Dapat palawakin reklamo ng vlogger–mambabatas sa LTO

Mar Rodriguez Jan 9, 2026
276 Views

IMINUMUNGKAHI ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. sa Land Transportation Office (LTO) na kailangan pang nilang palawakin ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa kaso ng nagrereklamong vlogger.

Ipinaliwanag ni Momo na maaaring “tip of the iceberg” lamang ng mas malaking problema sa LTO ang reklamo ng vlogger na si James Deakin laban sa nasabing ahensiya.

Sinabi ni Momo na dapat ipabusising mabuti ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang mga kaso ng iregularidad dahil posibleng may kahalintulad na sitwasyong sinapit ni Deakin ang patuloy na umiiral sa loob ng LTO.

Pinuri ni Momo si Lacanilao matapos tiyakin na hindi babalewalain ng LTO ang mga alegasyong inilahad ni Deakin.

Ayon sa kanya, hindi dapat magpatumpik-tumpik ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa paglaban sa korapsyon kung talagang nais nilang magbalik ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.

Samantala, pinangunahan ni Momo ang turnover ng bagong tayong multi-purpose building sa Tandag City na inaasahang magbibigay ng malaking pakinabang para sa libu-libong mamamayan ng Surigao del Sur.