Calendar
Partylist solon naghain ng resolusyon para sa proteksyon ng pasahero sa eroplano
HANGARIN ni 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel Oducado na mabigyan ng proteksyon ang karapatan ng mga pasahero ng eroplano tungkol sa flight delays, flight cancellations at iba pang aberya.
Nakapaloob sa House Resolution No. 596 ni Oducado na humihiling sa House Committee on Transportation na magsagawa ng pagdinig para sa proteksyon ng mga air passengers.
Nakasaad sa inihaing resolution ni Oducado na ang flight cancellations, flight delays, missed connections at iba pang kahalintulad nitong aberya ay nagdudulot ng napakalaking perwisyo sa libu-libong pasahero.
Alinsunod sa Article 1733 ng Civil Code na ang mga “air carriers” ay may tungkuling pangalagaan ang kanilang mga pasahero at dapat maging maingat sa aspeto ng flight disruptions.
Binigyang diin ng kongresista na sa kabila ng Air Passenger Bill of the Rights and other regulatory issuances of the Civil Aeronautics Board (CAB) marami paring pasahero ang nagrereklamo at napeperwisyo dahil sa mga aberya.
Bunsod nito, hinihiling ni Oducado sa Committee on Transportation na magsagawa ng pagsisiyasat kaugnay sa naturang isyu para matuldukan na ang walang kamatayang problema ng maraming pasahero sa tuwing sila ay magpapa-book sa mga airline companies.

