Vic Reyes

Dapat talagang pasalamatan ang bumubuo ng Quad Committee

138 Views

NOONG nakarang pagdinig ng Quad Committee, isiniwalat ng iba’t ibang testigo ang kagaspangan ng pagkatao ni dating Pangulong Digong. Ayon kay Koronel Espenido, siya ay inutusan ni Bato na linisin ang Albuera, Leyte at Ozamis, Mindoro Occidental.

Malamang hindi literal na paglilinis ang gagawin.

Ang ibig sabihin ng “linisin” ay gawin ang lahat ng kailangan gawin upang maubos ang lahat ng sangkot sa iligal na droga – kasama na roon ang pagpatay sa lahat ng makakasalamuha ni Espenido.

Ang kaso, may mga pinoprotektahan pala itong mga ‘to at ginagamit nila ang PNP para magsilbing bantay at protektor umano ng mga sangkot sa iligal na droga.

Noong malapit na mabuking ni Espenido, biglang ipinalipat ni Bato ang magiting na Koronel sa ibang lugar para doon siya magpakahirap at mamatay.

Ang lahat daw ng ito ay may basbas umano ni Tatay.

Hindi lang iyon ang karumal-dumal na ginawa ng dating administrasyon.

Ayon sa mga testigong humarap sa Quad Committee, inatasan ng sugo ni ‘Tay Digong ang dalawang preso na patumbahin ang tatlong Intsik na sangkot umano sa iligal na droga sa loob ng Davao Penal Colony kapalit ng isang milyon (o isang manok) kada ulo at maagang paglaya. Matapos gawing dinuguan ang tatlong Intsik, ikinulong sila ng mas mahabang panahon at kulang ang binigay sa kani-kanilang maybahay.

Gawaing mandurugas talaga, e ano?

Saan naman manggagaling ung perang pabuya at ginagamit para sa operasyon ng mga pulis? Dito na daw pumapasok si Bong. Ayon kay Espenido, si Bong ang siyang tagapamagitan sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (“POGO”) at sa PNP.

Si Go daw ang kumokolekta ng pera mula sa mga POGO na ginagamit para sa sindikatong pinamumunuhan ni ‘Tay Digong.

Kung hindi pa nagkaroon ng Quad Committee, hindi pa malalaman ng sambayanang Pilipino na nakakarindi pala ang mga gawain ni Digong, Bato, at Go. Dapat talaga pasalamatan ang mga bumubo ng Quad Committee na sina Cong. Ace Barbers, Cong. Dan Fernandez, Cong. Caraps Paduano, Cong. Bienvenido Abante, Cong. Romeo Acop, Cong. Dong Gonzales, at Cong. Jinky Luistro.

Magigiting nilang tinatapat at iniimbestigahan ang krimen na kinasasangkutan o iniutos ng nakaraang administrasyon. Kita naman sa mga pagdinig na wala silang kinikilingan at layunin lamang nilang palabasin ang totoo at pananagutin ang mga may sala – kahit na mismong ang nakaraang presidente, nakaupong senador at kongresista, o kung sino pang malawak ang impluwensiya ang masangkot dito. Ni Vic Reyes

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/rmail:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)