Tulfo Tinanong ni Sen. Raffy Tulfo si Davao City Accountant Vingelin Bajan kung bakit tumanggap pa ng suweldo sa City Hall si Bise Presidente Sara Duterte kahit hindi na ito mayor noong 2022 sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Nobyembre 10, 2026. JOSEPH MUEGO

DAVAO ACCOUNTANT INAMING WALANG ‘SALARY DIFFERENTIAL’ SA TAX FORM NG P64K NA NATANGGAP NI VP SARA

48 Views

INAMIN ng isang testigo ng depensa sa cross-examination na hindi nakasaad sa 2023 tax form na pinirmahan niya na salary differential ang P64,194.72 na ibinayad ng Davao City government kay Vice President Sara Duterte.

Hindi rin daw nakasaad dito kung para sa anong taon ang bayad.

Natanggap ni Duterte ang halaga noong Enero 2023, mahigit anim na buwan matapos siyang manungkulan bilang Bise Presidente noong Hunyo 30, 2022.

Iginigiit ng prosekusyon na tumanggap ang Bise Presidente ng unauthorized double compensation habang nanunungkulan.

Sa ika-41 araw ng impeachment trial nitong Martes, iniharap ng depensa si Davao City Accountant Vingelin Bajan para ipaliwanag na atrasadong sahod ni Duterte bilang mayor noong 2020 at 2021 ang bayad.

Pero sa cross-examination ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia, kinilala ni Bajan na hindi tinukoy ng tax form ang bayad bilang salary differential.

Nag-ugat ang isyu sa testimonya noong Oktubre 8 ni Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner. Sinabi niyang batay sa tax returns ni Duterte, tumanggap ito ng kompensasyon mula sa Davao City government noong 2023. Pinirmahan umano ng city accountant ang tax form, kung saan “employee” ang nakalagay sa Bise Presidente.

Sa parehong cross-examination, ilang ulit na sinita ng mga senator-judge si Bajan dahil sa umano’y paiwas niyang mga sagot tungkol sa accounting partnership na sinalihan umano niya noong 2003.

Natagalan si Bajan bago kumpirmahin kung kanya ang pirmang nasa mga dokumento ng partnership, kaya paulit-ulit siyang hiningan ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ng direktang sagot.

“Baka ma-contempt ka, sana huwag. Kami, napipikon na,” babala ni Senator-Judge Raffy Tulfo.

Humingi ng paumanhin si Bajan at sinabing matagal na ang mga dokumento. Kalaunan, inamin niyang naging bahagi siya ng firm. Kinilala rin niya ang affidavit of withdrawal noong Agosto 2015 na iniharap ni Senator-Judge Joel Villanueva.

Itinalaga umano si Bajan bilang city accountant noong 2016 ni Duterte, na noo’y mayor ng lungsod. Nananatili siya sa puwesto sa ilalim ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, kapatid ng Bise Presidente.

Iniharap din ni Divinagracia ang General Information Sheets ng ilang korporasyon, kabilang ang GenCorp Industries Inc., na nagpapakitang ang naturang firm umano ang external auditor ng mga ito. Hiniling din niya sa korte na paalalahanan si Bajan na huwag tumingin sa mga abogado ng depensa habang sumasagot.

Sa direct examination, sinabi ni Bajan na binubuo ang P64,194.72 ng P31,718.64 para sa 2020 at P32,476.08 para sa 2021, bunga ng salary standardization law noong 2019. Inilabas daw ang tseke noong Enero 10, 2023 dahil noon lang nakumpleto ang mga dokumento.

Para sa depensa, “malicious, baseless and completely false” ang akusasyon ng double compensation.

Walang inilabas na contempt order laban kay Bajan.