Kiko

KIKO ISINULONG ANG ZERO TARIFF SA PH FARM PRODUCTS SA JAPAN

30 Views

ISINUSULONG ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na alisin ng Japan ang taripa sa mga prutas, gulay at iba pang produktong agrikultural na ini-export ng Pilipinas doon. Ayon sa senador, maaari itong magbukas ng mas malaking oportunidad para sa mga Pilipinong magsasaka na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Ang taripa ay buwis na ipinapataw sa mga produktong galing sa ibang bansa.

Sinamahan ni Pangilinan si Senador Erwin Tulfo sa pagsusulong ng panukalang zero tariff. Si Pangilinan ang chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform. Inilatag ang panukala sa opisyal na parliamentary visit ng delegasyon ng Senado sa Japan, na kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan.

Saklaw ng panukalang tariff exemption ang ilang produktong agrikultural sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Sa kasunduang ito, binabawasan o tuluyang inaalis ang taripa sa mahigit 90 porsiyento ng mga produktong binibili at ibinebenta ng dalawang bansa sa isa’t isa.

Ayon kay Pangilinan, maaaring mahikayat ng mas malawak na access sa merkado ng Japan ang mas maraming pamumuhunan sa lokal na produksyon, pagpoproseso at value-adding ng mga produktong agrikultural. Dagdag niya, lilikha ito ng oportunidad hindi lang para sa mga magsasaka kundi pati sa mga manggagawa at maliliit na negosyo sa agricultural supply chain.

“We cannot focus all our resources on being food producers alone. We also need to pour in all our efforts into opening bigger markets for our farmers so they can have better and bigger opportunities to improve their livelihoods, increase their incomes, and secure their and the country’s future,” wika ng senador.

“Sa ganda at sagana ng ating mga produktong agrikultural, hindi dapat taga-supply lang ng pagkain dito sa ating bansa ang ating mga farmers at fisherfolk. Dapat maging kalahok din sila sa global food supply chain dahil world-class naman ang ating mga produkto tulad ng saging, mangga, pinya, kape, at marami pang iba,” ipinunto pa niya.

Pero para lumakas ang Pilipinas bilang exporter ng de-kalidad at competitive na produkto, iginiit ni Pangilinan na kailangan ng mga magsasaka ang tuloy-tuloy na suporta ng gobyerno at mga paborableng patakaran sa kalakalan, gaya ng zero tariff sa mga produkto ng Pilipinas.

Si Senate President Sherwin Gatchalian ang nanguna sa delegasyon. Nakipagpulong sila sa mga opisyal ng gobyerno at parlamento ng Japan, kabilang sina Prime Minister Sanae Takaichi, dating Prime Minister Fumio Kishida at Masakazu Sekiguchi, presidente ng House of Councillors o Mataas na Kapulungan ng Japan.

Nakipag-ugnayan din ang delegasyon sa Japan International Cooperation Agency (JICA), Japan-Philippines Parliamentary Friendship League, Japan-ASEAN Inter-Parliamentary Exchange Group at iba pang institusyon para palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa.