Pangandaman

DBM hihilingin sa Kongreso na bigyan ng kapangyarihan si PBBM na alisin hindi kailangang trabaho sa gobyerno

174 Views

UPANG mabawasan ang pinapasuweldo, plano ng Department of Budget and Management (DBM)na hilingin sa Kongreso na magpasa ng panukala na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alisin ang mga trabaho sa gobyerno na hindi naman kailangan.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman susuriin DBM ang 187 ahensya, departamento, bureau at mga government-owned and controlled corporations (GOCC) upang malaman kung aling mga trabaho ang dapat na alisin.

Posible rin umano na pagsamahin ang ilang ahensya na pareho naman ang trabaho at alisin ang empleyado ng mga ito upang hindi magdoble ang pinapasuweldo.

Tiniyak naman ni Pangandaman na babayaran ng tama ang mga maalis sa trabaho o papayagan ang mga ito na mag-apply sa ibang mas kinakailangang posisyon.

Paliwanag ni Pangandaman kung maaalis ang 5 porsyento ng mga nagtatrabaho sa gobyerno ay makatitipid ito ng P14.8 bilyon kada taon.

Ang pondo ay maaari umanong gamitin sa mahahalagang proyekto ng pamahalaan.