Pangandaman

DBM tinupad pangakong ayuda ni Marcos sa mga magsasaka

Chona Yu Jan 22, 2024
162 Views

P10B pondo inilaan para sa fuel, fertilizer assistance

NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng P10 bilyong pondo para sa fuel at fertilizer assistance para sa mga magsasaka.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, pagtupad ito sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutulungan ang mga magsasaka sa bansa.

“Bukod po sa pagpapalakas ng produksyon at suplay ng pagkain sa bansa, nais po ng ating mahal na Pangulo na mabigyan ng nararapat na tulong ang ating local famers. Napakahalaga po ng tungkulin na ginagampanan nila sa ating ekonomiya at komunidad. Rest assured that this government will always look for the best solutions to provide assistance to them,” pahayag ni Pangandaman.

Sa ilalim ng Special Provision ng Fiscal Year 2024 General Appropriations Act, nasa P9.561 bilyon ang inilaan para sa distribusyon ng fertilizer discount vouchers ng Department of Agriculture’s Production Support Services ng National Rice Program.

Ayon kay Pangandaman, sa P9.561 bilyon, P6.161 bilyon ang gagamitin sa fertilizer assistance para maayudahan ang DA Hybrid Seed Program at P3.4 bilyon naman ang para sa DA Inbred Certified Seed Program.

Nasa P510.4 milyon naman ang inilaan para sa fuel assistance sa mga magsasaka kasama na ang operating expenses.