Barredo Pinulikat si Sarah Barredo sa kanilang women’s singles tie laban kay Mikaela De Guzman sa MVP 2nd Badminton Cup kahapon sa Olympic Badminton Center sa Pasig. Contributed photo

De Guzman, wala pa ding talo

Theodore Jurado Feb 24, 2022
339 Views

NANGUNA si rising star Mikaela De Guzman sa women’s singles round-robin phase na may malinis na 5-0 record sa MVP 2nd Badminton Cup kahapon sa Olympic Badminton Center sa Pasig.

Ang Ateneo junior na si De Guzman ay nanaig laban kay Jaja Andres, 21-18, 21-11, na sinundan ng pagkuha ng tagumpay kontra sa dating walang talong si Sarah Barredo, na nagretiro sa third set matapos ang matinding 19-21, 21-13 bakbakan sa unang dalawang laro.

Si Barredo, na pinulikat sa kanilang duelo ni De Guzman, ay tumapos bilang second seed sa kanilang round-robin nang makuha ang panalo kontra kay Andres, 21-13, 16-21, 21-10.

Kinumpleto ni Anthea Gonzalez ang semifinals cast nang walisin sina Angel Valle, 22-20, 21-7, at Cristel Fuentespina, 21-12, 21-13.

Samantala, naungusan ni national team stalwart Ros Pedrosa si upstart Jewel Angelo Albo, 10-21, 21-18, 21-12, upang walisin ang Group B, at makopo ang puwesto sa men’s singles semifinals.

Nakahabol mula sa malamyang opening set, dinomina ni Pedrosa, na produkto ng National University, ang decider upang angkinin ang top ranking sa five-man Group B mula kay dating co-leader Albo.

Idiniin ni Pedrosa ang kahalagahan ng torneo, may ilang buwan bago ang 31st Southeast Asian Games.

“Sobrang importante po,” sabi ni Pedrosa.

“Iba pa rin po yung situation sa tournament po kagaya nito. Dito po namin kasi maa-assess yung mga weakness po namin. Tsaka for experience din po and mind-setting,” aniya.

Ginamit naman ni RJ Oba-ob ang karanasan talunin si Mark Anthony Velasco, 21-8, 17-21, 21-17, at pangunahan ang Group A.